DILG, Bulacan, isinali ang mga barangay, SK sa strict implementation ng mga ordinansa sa mga komunidad

LUNGSOD NG MALOLOS- Pinalakas ng Department of the Interior and Local Government-Bulacan at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gobernador Daniel R. Fernando ang tungkulin ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan sa pagpapatupad ng mga ordinansa sa kapaligiran, kapayapaan, at kaayusan sa mga komunidad.

Sa ginanap na Salinlakas: Panlalawigang Talakayan sa Kalinisan, Kaligtasan at Kapayapaan sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kamakailan, inatasan ni Fernando ang lahat ng 572 kapitan ng barangay sa lalawigan na istriktong bantayan ang implementasyon ng kanyang executive order na inaatasan ang mga paaralan na magsagawa ng earthquake drill tuwing umaga.

“Naniniwala po ako na ang susi sa tagumpay sa anumang laban ay ang kooperasyon at pagtutulungan nating lahat. Nawa, pagkatapos ng araw na ito, ay mas maging maayos at mabilis na ang koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng mga katuwang nating ahensiya para epektibo tayong makatugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan,” anang gobernador.

Binanggit din ng gobernador ang kanyang panawagan na paigtingin ang mga inisyatiba sa kapayapaan at kaayusan, drug clearing, at pangangalaga sa kalikasan sa mga komunidad upang makamit ang isang malinis, mapayapa at maayos na Bulacan.

Samantala, idiniin ni DILG-Bulacan Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia ang tungkulin ng mga barangay sa pagpapatupad ng road clearing mula sa sagabal sa mga kalsada sa barangay kabilang ang mga iligal na nakaparadang sasakyan, ambulant vendors, mga materyales sa konstruksyon, nakasasagabal na barangay outpost, at nagpapatuyo ng palay at ibang tanim, at iba pa.

“Hindi madali ang programang ipinapatupad ng DILG pagdating sa road clearing sa ating mga barangay ngunit kailangan po natin itong itaguyod upang mas maging ligtas at mabilis nating magawa ang pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan,” ani Apostol.

Binanggit rin niya na lahat ng opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan ay kinakailangang magsagawa ng clean-up drive tuwing Sabado, at magsumite ng kaukulang geotagged na ulat sa kanilang tanggapan.

Layunin ng Sanlikas: Panlalawigang Talakayan sa Kalinisan, Kaligtasan at Kapayapaan na palakasin ang kakayahan ng mga barangay na magtaguyod ng ligtas, disiplinado, at malinis na komunidad bilang unang hanay ng tagatugon sa mga problema ng komunidad.