Top 1 most wanted arestado, droga at baril nasamsam

Camp General Alejo S Santos, Lungsod ng Malolos, Bulacan — Alinsunod sa direktiba ni Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio Nartatex Jr ay matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng San Jose del Monte City Police Station (SJDM CPS) katuwang ang Angat Municipal Police Station ang Top 1 Most Wanted Person (Municipal Level) ng Angat, Bulacan sa isinagawang operasyon dakong alas-8:48 ng gabi ng Oktubre 12, 2025 sa parking lot ng SM Tungko, Brgy. Tungko Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan.
 
Ayon sa ulat ni PLtCol Reyson Bagain, Chief of Police ng SJDM CPS, kinilala ang suspek bilang si alias Ando, 39 taong gulang at residente ng Purok 1, Brgy. Bagong Silang, Plaridel, Bulacan. Ang naturang operasyon ay naisagawa sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Parricide sa ilalim ng Criminal Case No. 5760-M-2024, na inilabas ni Hon. Reuben Ritzuko Teshima Beradio, Presiding Judge ng RTC Branch 104, Malolos City, Bulacan. Sa pagsilbi ng warrant, nakuha mula sa akusado ang isang caliber .45 pistol (Colt, Serial No. 17115), apat (4) na magazine, dalawampu’t limang (25) bala, isang (1) Honor cellphone, isang (1) itim na pitaka na may mga ID, tatlong (3) sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 10 gramo at halagang Php 68,000.00, at isang Mitsubishi Adventure na may plate number ZLM86.
 
Batay sa karagdagang impormasyon, ang naarestong akusado ay sangkot umano sa insidente ng pamamaril noong Abril 20, 2024 sa Brgy. Marungko, Angat, Bulacan, kung saan ang biktima ay isang Armed Forces of the Philippines (AFP).
 
nasa kustodiya ng SJDM CPS ang akusado para sa tamang dokumentasyon at disposisyon, habang ang mga narekober na ebidensiya ay isasailalim sa ballistic examination, drug test, at laboratory examination sa Bulacan Forensic Unit.  
 
Sa pahayag ni PCOL Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, binigyang-diin niya na, “Ang pagkakaaresto sa isa sa mga pinakatinutugis sa lalawigan ay patunay ng determinasyon ng Bulacan PNP na isakatuparan ang hustisya at tiyakin na walang kriminal na makatatakas sa kamay ng batas.”