LUNGSOD NG MALOLOS – Mas pinalawak na oportunidad at suporta sa negosyo ang natanggap ng mga micro at small entrepreneurs (MSEs) sa bayan ng Guiguinto, Bulacan sa pamamagitan ng ‘Go Asenso Negosyo Caravan” sa pangunguna ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) na ginanap sa Guiguinto Municipal Athletic and Cultural Center noong Miyerkules, Oktubre 1.
Naghatid ang inisyatiba ng iba’t ibang serbisyong pangnegosyo kabilang ang marketing at promotion sa pamamagitan ng Bulacan Pasalubong Center, at product development support mula sa Bulacan Packaging Service and Toll Packing Center. Handog din dito ang financial assistance sa pamamagitan ng Bayanihang Bulakenyo Financing Program at paggabay sa pagtatatag at pagpapatibay ng mga kooperatiba.
Tampok din ang mga hands-on workshop at demo sa tradisyunal at malikhaing sining kung saan pinangunahan ng mga eksperto mula sa Ideas and Koncepts Pot Manufacturing at Punique Handicrafts ang mga sesyon sa paggawa ng Puni, macramé, beadwork, at pagpinta. Kasabay nito, isang mini bazaar at trade fair ang nagtampok ng mga lokal na produkto na nagbigay ng agarang exposure sa mga negosyante ng Guiguinto.
Nakibahagi rin ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at iprinisinta ang kanilang mga programa at proyekto para sa MSE development kabilang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), Department of Information and Communications Technology (DICT), at ang lokal na pamahalaan. Nagbigay din ng mahalagang suporta ang private partners gaya ng PLDT at GCash.
Pinangunahan naman ni Owen Modequillo ng PCEDO ang libreng konsultasyon para sa packaging at labeling na nakatulong upang higit na mapahusay ang marketability ng mga produkto ng mga entreprenyur. Bukod dito, nagsagawa din ng iba’t ibang skills training at capacity-building sessions na nagbigay ng praktikal na kaalaman para sa pagpapalago ng negosyo.