IMINUNGKAHI ni Senator Joel Villanueva na karapat-dapat lang umanong dagdagan ang pensyon ng mga senior citizen sa gitna ng pandemya.
Ito ang sinabi ng vice chair ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development sa pagdinig ng walong panukalang batas para dagdagan ng benepisyo ang mga nakatatandang Pilipino.
“Simple at straightforward po ang layunin ng mga panukalang batas na ito: Isang libong piso kada buwan para sa indigent nating mga lolo at lola,” sabi ni Villanueva.
Ayon sa senador, lumitaw sa panahon ng pandemya ang pangangailangang taasan ang buwanang ayuda ng mga senior citizen ng bansa.
“Pinaka-iingatan po natin ang ating mga nakatatanda sa halos dalawang taon ng pandemya dahil high-risk sila sa COVID-19, lalo na iyong may mga comorbidities. Kapag tinamaan sila ng sakit, marami sa kanila ang walang pagkukunan ng pambili ng gamot o pampaospital,” sabi niya.
Sinabi din ni Villanueva na maliit ang limandaang piso para sa ayuda ng mga senior citizen, lalo na kung tuusin ito sa inflation rate. “Kulang na kulang po ito pambili lang po ng maintenance medicines para sa hypertension kada buwan,” aniya.
Natalakay sa hearing kung saang pondo kukunin ang dagdag na benepisyo, ang maayos at mabilis na pagpapamudmod ng pensyon, at pangkalahatang pagpapalawig ng kapakanan ng mga senior citizen.
“Gagawin po natin ang lahat para matulungan ang ating mga senior citizens. The Committee will work with our resource persons so that we can report this out to the Senate floor soon. Our elderly cannot wait long for this help from the government,” sabi ni Villanueva.
“Huwag po tayong mag-aksaya ng panahon na iparamdam natin bilang lingkod-bayan ang pagmamahal sa ating mga nakatatanda,” dagdag niya.
Dinaluhan ang pagdinig noong Enero 25 ng mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development; Department of Budget and Management; Department of Finance, National Commission of Senior Citizens, at mga people’s organizations para sa senior citizens gaya ng Coalition of Services of the Elderly, Philippine Association of Retired Persons, and Senior Citizens Sectoral Council.