Mahigit 600 delegado mula sa buong bansa lumahok sa Bulacan Open Dancesport Championships 2025

LUNGSOD NG MALOLOS — Higit sa 600 na dancesport athletes mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang nagpamalas ng kanilang husay sa sayawan sa Bulacan Open Dancesport Championships 2025, isang pambansang kompetisyon na idinaos sa lalawigan noong Setyembre 14 sa Provincial Capitol Gymnasium dito.

Ang mga kalahok ngayong taon ay mula sa mga lungsod at lalawigan ng Davao, Lucena City, Nueva Ecija, Tarlac City, Quezon City, Makati City, Quezon Province, Isabela, Cainta, Calapan City Mindoro, Laguna, Las Piñas, at Bulacan.

Sa pangunguna ng Bulacan Dance Instructors Club (BDIC) Inc., ipinamalas ng mga delegado ang kanilang galing sa 142 na kategorya mula sa Juvenile, Junior, Youth, Tertiary Level, Adult, at Senior na mga kategorya.

Ipinahayag ni BDIC Inc. President Jon Jon Laurio ang kanyang pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pagtulong nito upang maisakatuparan ang kanilang hangarin at malugod na tinanggap ang lahat ng kalahok sa lalawigan.

“Nagpapasalamat po ang aming samahan sa ating Pamahalaang Panlalawigan para sa pagsasakatuparan ng event natin dito. Gayundin, sa lahat po ng mga lumahok ngayong araw mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayaw ko pong palampasin ang pagkakataon na ito. Salamat sa inyong lahat at welcome kayo sa Bulacan,” ani Laurio.

Binigyang diin naman ni May Arlene Torres, nanunungkulang puno ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office, na ang dancesports ay maituturing ding isang sining at pamanang dapat ipreserba, at inilahad ang mahalagang papel ng mga kabataang atleta sa pagpapatuloy nito.

“Ang dancesports po bilang isang sining ay maituturing din nating isang pamanang sining na dapat po ay ipagpatuloy. Kaya naman po kami ay lubos na natutuwang makita ang ating mga atletang kalahok sa araw na ito mula sa mga maliliit na bata. Sila po ang magpapatuloy ng susunod na henerasyon ng pamanang sining na ito,” aniya.

Samantala, nagpahayag din ng suporta si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa pamamagitan ng isang video message, at pinuri ang Bulacan bilang pangunahing destinasyon para sa kultura at turismo.

“Events like this not only highlight world class talents but also the position of Bulacan as a premier destination for cultural celebration and sports tourism. Let us continue to promote unity, discipline, and creativity through sports and culture,” anang senador.

Samantala, ginawaran ng parangal ang top 3 sa bawat kategorya mula sa anim na dibisyon sa idinaos na dinner gala kung saan itinampok ng mga Bulakenya ang kanilang mga gawang lokal na Filipiniana gowns.