Mga estudyante nag-kilos protesta sa harap ng DPWH office sa Bulacan

Nagsagawa ng kilos protesta ang mga estudyante at kabataan mula sa ibat-ibang sektor na nagpapahayag ng pagkondena sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa lalawigan ng Bulacan sa harap ng tanggapan ng DPWH Bulacan First Engineering Office sa Barangay Tikay, Malolos City Huwebes ng umaga.

Ang kilos protesta ay isinagawa ng mga youth advocate sector mula sa Bulacan State University at Katipunan Student Movement (KASAMA) ng nasabing unibersidad kung saan layunin na ipaabot sa pamahalaang nasyunal na kailangan anila na may makulong at mapanagot sa nasabing isyu.

Nasa 140 police personnel mula sa Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang itinalaga ni police provincial director Col. Angel Garcillano upang panatiliin ang peace and order habang isinasagawa ang kilos protesta na tumagal ng halos dalawang oras.

Ayon sa organizer ng pagtitipon na si Lovely Vasquez, vice president ng Bulacan State University (BulSU) Government at Chairperson ng Katipunan Student Movement (KASAMA BulSU) na nais nila iparating sa lahat ng kinauukulan partikular na sa ahensiya ng DPWH ang kanilang mga panawagan kaugnay sa usapin ng flood control projet scam.

Nasa mahigit 30 ang mga student protestees na lumahok sa rally na nagsimula bandang alas-10:AM at tumagal bago magtanghali.

Idinagdag pa ni Vasquez na may mga kasunod pa silang isasagawang pagkilos sa Setyembre 13 na inaasahag lalahukan ng mas marami pang mga estudyante mula sa ibat-ibang unibersidad at sektor ng kabataan.

“Ang main goal po namin ay sugpuin ang korapsyon, panagutin ang dapat managot. Gusto po natin na lahat ng sangkot dito lalo na kongresista at senador ay panagutin,” ani Vasquez.

Sinabi naman ni David De Angelo, tumatayong lider mula sa Bulakenyos Good Governance at Green Party of the Philippines na ito ay panawagan ng paggising sa mga estudyante at kapwa Filipino at babala na rin aniya sa lahat ng nangungurakot sa gobyerno.

“Kung walang mapapanagot at makukulong, makakarating tayo sa punto na ayaw ninyo mangyari,” ani DeAngelo.

Ipinaliwanag niya rito ang isasagawang pag-aalsa ng taumbayan at sapilitang pagpapaalis sa kanilang puwesto.

Nananawagan sila sa pamahalaan na kung ayaw na sa sistemang ito ay manindigan, kumilos, lumabas sa kalsada at patalsikin ang sistemang umiiral sa gobyerno.

Giit ni De Angelo, hindi ang presidente at ang mga nakapuwesto ang patatalsikin kundi ang sistema sa gobyerno.