
Sa isang eksklusibong panayam ng Katropa, kamakailan, ibinahagi ni P/Lt. Col Manuel De Vera Jr., Chief of Police, PNP Pandi, Bulacan, ang lumalalang problema ng “juvenile delinquency” sa bayan ng Pandi, Bulacan.
Ayon sa kanya, ang mga kabataan na nasasangkot sa iba’t-ibang krimen ay nagiging sanhi ng pagkabahala sa komunidad at nagdudulot ng takot sa mga residente.
Kabilang sa mga lugar na may mataas na insidente ng “juvenile delinquency” ay ang mga barangay na may maraming kabahayan, partikular na ang Mapulang Lupa, kung saan matatagpuan ang Pandi Residence One, Two, Three, at Atlantica.
Karamihan sa mga kabataan ay mga “out-of-school youth” na nasasangkot sa pagnanakaw, “riot,” at iba pang krimen. Sila rin ay mga “relocates” na kung saan ang mga magulang ay tila walang kontrol sa kanilang mga anak, na nagreresulta sa kawalan ng gabay at disiplina.
Ang kapulisan ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa komunidad. Sila ang pangunahing tagapagtanggol laban sa mga kriminal, kabilang na ang mga “juvenile delinquents.” Sa pamamagitan ng pagpapatrolya, pagresponde sa mga insidente, at pagpapatupad ng batas, sinisiguro ng kapulisan na ligtas ang mga residente mula sa anumang panganib.
Ang pamahalaan ay may iba’t-ibang programa upang labanan ang “juvenile delinquency.” Kabilang dito ang mga programa para sa edukasyon, “skills training,” at “rehabilitation.” Layunin ng mga programang ito na bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na magkaroon ng magandang kinabukasan at lumayo sa mga gawaing kriminal.
Isa sa mga kilalang programa ay ang “Comprehensive Juvenile Intervention Program (CJIP)” na naglalayong tugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataan sa pamamagitan ng iba’t ibang serbisyo at suporta.
Pinalalakas ang “curfew,” nakikipag-ugnayan sa mga “barangay tanod,” at pinalalakas ang “911 response.”
Ang kapulisan ay aktibong bumababa sa mga barangay upang magbigay ng proteksyon at seguridad.
Hinimok ni Police Chief De Vera Jr., ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak upang makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan. Ang pagtutulungan ng pamilya, komunidad, at pamahalaan ay susi sa paglutas ng problema ng “juvenile delinquency.”
Tsk! Tsk! Tsk! Ang problema ng “juvenile delinquency” sa Pandi ay isang hamon na nangangailangan ng sama-samang pagkilos. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kapulisan, mga opisyal ng barangay, mga magulang, at iba’t-ibang sektor ng lipunan, posible na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga kabataan ng Pandi at maiwasan silang malihis ng landas.