Villanueva: Bulacan handa na para maging sentro ng PH food security projects

Binigyang-diin ni Senador Joel Villanueva na nakahanda na ang lalawigan ng Bulacan para maging isang estratehikong economic hub sa bansa sa tulong ng iba’t-ibang pinagkukunan ng pangkabuhayan, mahuhusay na mga manggagawa, at mas mabilis na access sa freeports sa Subic at Bataan.

SEN. JOEL VILLANUEVA

“Bulacan is a natural extension of Metro Manila going to the north. The rails are coming, the airport is being constructed, more roads are being built. Development has nowhere to go but Bulacan,” paglalarawan ni Villanueva sa kanyang probinsyang pinanggalingan.

Itinaas ni Villanueva ang potensyal ng lalawigan na mag-host ng ilan sa mga proyekto sa seguridad ng pagkain na inaprubahan ng Board of Investments noong nakaraang buwan.

Ang 31 proyektong nabigyan ng Green Lane certification ay nagkakahalaga ng higit P18.7 bilyon at tinatayang lilikha ng 7,000 trabaho.

Ang Green Lane ay itinatag sa pamamagitan ng isang executive order para simplehan, pabilisin, at i-automate ang mga proseso ng pagpaparehistro at pag-apruba ng gobyerno sa mga strategic investments.

Sabi pa ni Villanueva, kasama sa mga proyekto ang makabagong breeder farms, coconut processing facility, at cold storage facility na maaaring itayo sa Bulacan.

Sa datos na Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2023, ang Bulacan ang pang-apat na pinakamalaking ekonomiya sa labas ng Metro Manila pagdating sa kontribusyon sa national gross domestic product kung saan nakapag-ambag ito ng P631.64 bilyon.

Ang Central Luzon (CL) Region ay ang pinakamalaking producer ng bigas at livestock sa bansa. Ang produksyon ng palay sa Bulacan lamang ay umabot ng 387,699 metriko tonelada noong 2021, pang-apat sa CL Region, batay sa 2022 CL Regional Social and Economic Trend. Samantala, pangatlo naman sa produksyon ng baboy ang Bulacan sa rehiyon noong 2021, na may 21,597 heads.

Makikinabang ang lalawigan sa mas marami pang cold storage facilities para sa aquaculture products para sa domestic consumption at pag-export ng hipon, alimango, at bangus. Kilala rin ang Bulacan sa pagproseso ng ginto para gawing alahas.

Sabi pa ni Villanueva, kailangang ipagpatuloy ng Bulacan ang paghahanda para sa pagdami ng pamumuhunan sa lalawigan sa pamamagitan ng pagpapataas ng kasanayan ng mga manggagawa at paghahanda ng mga negosyo para sa mas competitive na landscape.

“All hands should be on deck, from the local government, to the academe, the business sector, and other stakeholders. We want to show we are ready for every opportunity,” ani Villanueva.