Camp General Alejo S Santos, Lungsod ng Malolos, Bulacan — Isang 24-anyos na lalaki ang naaresto ng mga awtoridad matapos masangkot sa isang insidente ng pagnanakaw sa Brgy. Poblacion, Bustos, Bulacan dakong ala-1:40 ng hapon noong Hulyo 10, 2025.

Ayon sa report ni PMaj Mark Anthony Tiongson, Chief of Police ng Bustos Municipal Police Station, matagumpay na naaresto ang isang suspek sa pagnanakaw sa Brgy. Poblacion, Bustos, Bulacan.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na Palong, residente ng Kalye Onse, Brgy. Poblacion. Batay sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling araw ng Hulyo 10, 2025, ay sapilitang pinasok at ninakawan ng suspek ang B and J Rice Bowl Store sa pamamagitan ng pagbaklas at pagsira sa kandado ng pinto.
Matapos masuri ang CCTV footage ng insidente, agad na nakilala ang suspek at itinawag ito sa duty investigator.
Mabilis namang rumesponde ang mga patrollers ng Bustos MPS na noo’y nagsasagawa ng foot patrol sa nasabing barangay.
Sa loob lamang ng dalawang minuto ay nakarating sila sa lugar, nagsagawa ng hot pursuit operation, at matagumpay na naaresto si alyas Palong sa parehong araw.
Binigyang-diin ni PCol Angel Garcillano, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, ang kahalagahan ng mabilis at epektibong aksyon ng kapulisan upang agad na malutas ang mga insidente ng kriminalidad.
Aniya, “Ang mabilis na tugon ng ating mga pulis ay nagpapakita ng kanilang dedikasyon na tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan. Patuloy naming paiigtingin ang presensya ng kapulisan sa mga komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan.”