
LUNGSOD NG MALOLOS – Pormal nang nanumpa ang nasa 266 na elected local officials sa lalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel Ramirez Fernando, matapos manumpa sa ginanap na “Pasinaya at Pagtatalaga sa Tungkulin ng Lahat ng Bagong Halal na Opisyal sa Lalawigan ng Bulacan” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa City of Malolos noong Linggo.
Si Fernando gayundin si re-elected Vice Gov. Alexis Castro ay nanumpa kay Bulacan Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Hermenegildo C. Dumlao II na kapwa sinamahan ng kanilang immediate families.
Inilatag ng People’s Governor sa mga nagsidalo kasama ang 86 bagong halal na opisyal, 139 re-electionists, at 41 na nagbabalik serbisyo-publiko, ang pangunahing inisyatibo ng kanyang administrasyon.
Kasama sa mga pangunahing programa na ito ang pabahay sa mga Bulakenyo sa pamamagitan ng DHSUD Pabahay Program at Global Homes Consortium, ang mapangaraping Bulacan Mega City Project, at ang pagtatayo ng waste-to-energy facility. Binanggit rin ang Bulacan Technohub and Innovation Center na kasalukuyang ginagawa, ang modernisasyon ng Bulacan Medical Center at ng iba pang district hospital, ang mahalagang river restoration at dredging projects, at ang paggawa ng Bulacan Farmer’s Productivity Center at Bulacan Animal Breeding Center and Multiplier Farm.
“Marami na tayong nasimulan ngunit marami pa tayong kailangang gawin. Hindi ko po ito makakayang mag-isa. Magtulungan po tayo,” panghihikayat ng gobernador sa kanyang mga kapwa lingkod bayan.
Sa kabila ng mga hinarap niyang maraming kritisismo sa kanyang nakaraang kampanya, ipinahayag ni Fernando ang kanyang tiwala sa demokratikong proseso at ang tiwala na inilagay sa kanya ng mga Bulakenyo.
“Nanaig pa rin ang katotohanan at ang tinig ng mga Bulakeyo. Binigyan tayo ngayon ng panibagong pagkakataon na maglingkod at magtaas ng antas ng ating serbisyo sa mga Bulakenyo,” ani Fernando, na may hawak ng pinakamaraming bilang ng boto sa lahat ng nahalal na gobernador ng lalawigan.

Samantala, si Castro para sa kanyang ikalawang termino, ay nangako na pangungunahan ang mga makabuluhang polisiya para sa lahat ng Bulakenyo.
“Panahon na upang tayo’y magtatag ng mahigpit, makatarungan, at makakalikasang mga batas at ordinansa na tunay na magtatanggol sa interes ng bawat pamilyang Bulakenyo, mula sa kalunsuran hanggang sa kanayunan,” anang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan.
Ipinahayag rin ni Castro ang kanyang pasasalamat kay Fernando, at kinilala ang tiwala at oportunidad na magkaroon ng katuparan ang kanyang mga pangarap para sa lalawigan.
“Katuwang mo ako sa iyong adhikain para sa ating lalawigan. Nakaukit na sa pahina ng kasaysayan ang iyong kadakilaan. Magkasama tayong gumawa ng kasaysayan,” dagdag ni Castro.
Maliban kina Fernando at Castro, pitong kinatawan, 14 bokal, 24 punong bayan at lungsod, 24 pangalawang punong bayan at lungsod, at mga konsehal mula sa buong lalawigan ang nanumpa rin sa nasabing programa, na sumisimbolo sa bagong kabanata para sa pamunuan ng Bulacan.





