SAN RAFAEL, Bulacan – Isa-isa nang itinatayo ang mga poste para sa magiging San Rafael Flyover na tumatawid sa crossing ng Plaridel Arterial Bypass Road at sa Kalsadang Bago road, na nag-uugnay sa mga barangay Caingin at Capihan sa bayang ito.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH)- Central Luzon Regional Director Engr. Roseller Tolentino, ito na ang pangalawang flyover sa kahabaan ng Plaridel Arterial Bypass Road.
Ang una ay ang Bustos Flyover na naitayo na ang northbound lanes sa crossing ng Plaridel Arterial Bypass Road at General Alejo Santos Highway.
Kapag natapos ang San Rafael Flyover sa huling bahagi ng 2022, magiging ligtas na ang pagtawid ng mga sasakyan na dumadaan sa Kalsadang Bago road sa Plaridel Arterial Bypass nang hindi nagkakaroon ng masikip na daloy ng trapiko.
My halagang P768.5 milyon ang proyekto na pinondohan ng Official Development Assistance (ODA) ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Kasamang gugugulan ng pondo ang konstruksiyon ng mga service roads sa magkabilang gilid ng itinatayong flyover.
Piniling pagtayuan ng flyover ang crossing ng Plaridel Arterial Bypass Road at Kalsadang Bago road dahil isa ito sa may pinakamataas na bilang ng mga sasakyan na dumadaan.
Ang Kalsadang Bago road ay nakakabit sa Viola Highway na nagsisilbing daan patungo sa silangang bahagi ng San Rafael at kalapit na bayan ng Angat. Habang ito rin ang daan papunta sa bagong munisipyo na nasa gilid ng Daang Maharlika.
Ito na ang panglimang flyover sa Bulacan mula nang simulan ang konstruksiyon ng Bustos Flyover noong 2019, Bocaue Flyover noong 2006, Malolos Flyover noong 2004 at Baliwag Flyover noong 2003.