SURPRISE DRUG TEST, ISINAGAWA NG PRO3

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Bilang suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang mas tumutugon, disiplinado, at makataong serbisyo-pulisya, nagsagawa ng surprise drug test sa mga opisyal ng Police Regional Office 3 (PRO3) sa Command Conference na pinangunahan ni PBGen Jean S. Fajardo, Regional Director, noong Hunyo 6, 2025 sa PATROL Hall, PRO3 Multi-Purpose Center, Camp Olivas.
Dinaluhan ng mga miyembro ng PRO3 Command Group, Regional Staff, Provincial at City Directors, mga Chief of Police, Force Commanders ng mga Mobile Forces, at iba pang opisyal, ang nasabing pagpupulong. Isa sa mga pangunahing bahagi ng aktibidad ay ang isinagawang drug test, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP kontra ilegal na droga at upang tiyakin na ang mga namumuno sa hanay ng pulisya ay malinis at hindi sangkot sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
PBGEN JEAN FAJARDO
Sa kanyang mensahe, inilahad ni PBGen Fajardo ang mga pangunahing direktiba ng bagong talagang Chief PNP, PGen Nicolas D. Torre III, na nakasentro sa tatlong haligi ng kanyang programa: mabilis at tumutugong serbisyong publiko, pagkakaisa at mataas na moral sa hanay ng kapulisan, at pagpapaigting ng modernisasyon.
Binigyang-diin din ni PBGen Fajardo ang kahalagahan ng mas maigting na presensya ng pulisya sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga fixed visibility points, checkpoints, at chokepoints upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan. Kaugnay nito, iniatas niya sa lahat ng istasyon ng pulisya ang pagsasaayos at pagpapalakas ng kanilang radio communication systems, gayundin ang regular na pagsusuri sa mga kagamitan upang matiyak ang kahandaan sa anumang sitwasyon.
Isinusulong rin ni PBGen Fajardo ang direktiba ng Chief PNP hinggil sa pagpapatupad ng eight-hour duty policy na may tatlong shift schedule: 6:00 AM–2:00 PM, 2:00 PM–10:00 PM, at 10:00 PM–6:00 AM. Layunin nito na mapangalagaan ang kalusugan, kasiglahan, at episyenteng pagganap ng tungkulin ng bawat pulis.
“Tayo ay magkaisa upang mapanatili ang disiplina at propesyonalismo sa loob ng ating organisasyon. Bilang mga pinuno, tungkulin nating maging huwaran ng tamang asal at tapat na paglilingkod. At bilang tagapangalaga ng kaayusan, hindi tayo magdadalawang-isip na disiplinahin ang sinumang lalabag sa ating mga alituntunin,” mariing pahayag ni PBGen Fajardo.
Hinikayat niya ang lahat ng mga commander na tiyakin ang agarang pagpapatupad ng mga direktibang ito hanggang sa pinakamababang antas ng kapulisan sa buong rehiyon.