Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Sa patuloy na pinaigting na kampanya ng Police Regional Office 3 laban sa mga wanted persons, apat na indibidwal na kabilang sa listahan ng Most Wanted Persons (MWPs) ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa sa mga lalawigan ng Bulacan, Tarlac, at Zambales nitong June 1 at 2, 2025.

Unang naaresto si Joseph Paraiso y Preciosio, 20 anyos, residente ng Brgy. Bagna, Malolos City, Bulacan, dakong 1:30 ng madaling araw sa Brgy. Sto. Rosario, Malolos City. Isinilbi ng mga operatiba ng Malolos CPS ang Warrant of Arrest laban sa kanya para sa tatlong bilang ng Statutory Rape sa ilalim ng Criminal Case Nos. 27-MAL-2025, 28-MAL-2025, at 29-MAL-2025. Ang warrant ay inilabas ni Hon. Judge Francisco Macapagal Beley ng Family Court, Branch 4, Third Judicial Region, Malolos City, noong Mayo 7, 2025. Walang piyansa ang inirekomenda.
Dakong 12:20 ng tanghali, naaresto si Felix San Buenaventura y Paglinawan, 59 anyos, biyudo, at residente ng Brgy. Cristo Rey, Capas, Tarlac. Siya ay nahaharap sa dalawang kaso ng Statutory Rape at isang kaso ng Rape by Sexual Assault sa ilalim ng Criminal Case Nos. 10229-25, 10230-25, at 10231-25. Inilabas ang warrant ni Hon. Sarah Bacolod Vedaña-Delos Santos, Presiding Judge ng RTC Branch 109, Capas, Tarlac, noong Mayo 23, 2025. Wala ring piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Samantala, dakong 5:30 ng hapon, nahuli naman si Renato Fernandez y Cabelis, 52 anyos, residente ng Purok 3, Brgy. Bayto, Sta. Cruz, Zambales. Siya ay may kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610, sa ilalim ng Criminal Case No. 17135-2025-I. Inilabas ang warrant ni Hon. Maribel F. Mariano-Beltran, Presiding Judge ng RTC Branch 13, Iba, Zambales, noong Mayo 7, 2025. May itinakdang piyansa na Php 180,000.
Sa ikalawang araw ng operasyon, dakong 10:00 ng umaga ng Hunyo 2, 2025, nadakip si Steven Alarcon y Nasol, 23 anyos, residente ng Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan. May kinakaharap siyang kasong Rape (Criminal Case No. 33-STM-2025) na walang piyansa, at Acts of Lasciviousness (Criminal Case No. 34-STM-2025) na may rekomendadong Php 180,000 na piyansa. Ang warrant ay inilabas ni Hon. April Anne M. Turqueza-Pabellar, Presiding Judge ng RTC Branch 6, Sta. Maria, Bulacan, noong Mayo 5, 2025.
Ayon kay PRO3 Regional Director PBGEN Jean S. Fajardo, “Ang pagkakaaresto sa apat na MWPs ay patunay ng walang humpay na dedikasyon, katapangan, at propesyonalismo ng ating kapulisan sa paghahatid ng hustisya at pagpapatupad ng batas. Hinihikayat namin ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa ating mga awtoridad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating mga komunidad.”