PRO3 NAGPAKALAT NG 2,000 NIGHT PATROLLERS SA GITNANG LUZON KONTRA KRIMEN

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga— Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa kautusan ni PNP Chief, PGen Rommel Francisco Marbil, inilunsad ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang mas pinaigting, intelligence-led, at target-specific na mga operasyon upang mapalakas ang seguridad, maiwasan ang kriminalidad, at tiyakin ang mataas na presensya ng pulisya sa mga lugar na kritikal at matao sa rehiyon ng Gitnang Luzon.
 
Ayon kay PBGen Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, ang deployment ng mahigit 2,000 night patrollers ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng PNP para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, alinsunod sa marching order ng Pangulo para sa isang ligtas at disiplinadong bansa.
 
“Ang mga pinalakas na operasyong ito ay direktang tugon sa panawagan ng ating Pangulo para sa mas ligtas na lipunan. Tinututukan natin ang mga lugar na mataas ang banta sa seguridad, at ginagamit ang lahat ng ating kapasidad upang mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad. Ang kaligtasan ng publiko ay ating pangunahing responsibilidad,” ani PBGen Fajardo.
 
Simula noong gabi ng Mayo 28, higit 2,000 night patrollers ang idineploy sa mga urban centers, kabisera ng mga lalawigan, komersyal na distrito, transport terminals, at iba pang matataong lugar sa rehiyon. Binubuo ang mga ito ng maneuver forces mula sa iba’t ibang Police Provincial Offices at ng Regional Mobile Force Battalion.
 
Ang mga nightwatch patrol teams ay nakatuon sa pagbibigay ng seguridad sa mga manlalakbay, motorista, at mga mamamayang nasa lansangan tuwing gabi. Layunin nitong maiwasan ang kriminalidad, mapanatili ang kaayusan, at mabilis na makaresponde sa anumang banta sa seguridad.
 
Dagdag pa ni PBGen Fajardo, ginagamit ng PRO3 ang updated crime mapping, time-based incident analysis, at mga predictive policing tools upang mas epektibong maipatupad ang kanilang mga estratehiya kontra kriminalidad.
 
“Mas pinaigting ang presensya ng ating mga patrol teams lalo na sa mga sentrong urban, komersyal na lugar, at pangunahing daanan upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at mapabilis ang ating pagtugon sa anumang insidente,” dagdag niya.
 
Tiniyak ng PRO3 sa publiko na patuloy na naka-alerto ang kapulisan, araw man o gabi, upang protektahan ang buhay, ari-arian, at katahimikan ng bawat mamamayan sa Gitnang Luzon.