PRO3, handang-handa na sa pagtugon sa kalamidad 

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Buong giting na ipinamalas ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa mga sakuna sa isinagawang Simultaneous Showdown Inspection of the PNP Disaster Response Equipment Capabilities noong Mayo 21, 2025, sa Camp Capt. Julian Olivas, San Fernando City, Pampanga.
 
Ang aktibidad ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na layong paigtingin ang kakayahan ng mga ahensiya ng pamahalaan, partikular ng Philippine National Police (PNP), sa pagtugon sa mga kalamidad at krisis, bilang bahagi ng kanyang programang Bagong Pilipinas.
 
Pinangunahan ni Police General Rommel Francisco D. Marbil, Chief PNP, ang sabayang inspeksyon na isinagawa sa iba’t ibang panig ng bansa upang tiyakin ang kahandaan ng PNP sa pagtugon sa anumang uri ng emergency o sakuna.
 
Sa PRO3, pinangunahan ni Police Brigadier General Jean S. Fajardo, Regional Director, ang masusing inspeksyon ng mga kagamitan at kakayahan ng mga yunit sa ilalim ng kanyang pamumuno. Kabilang sa mga ipinakitang kagamitan ang rubber boats, life vests, medical kits, portable lighting systems, communication equipment, at iba pang mahahalagang gamit para sa search and rescue operations.
 
Ipinamalas din ng mga sinanay na personnel ng PRO3 ang kanilang kaalaman at kasanayan sa mga disaster response protocols na bunga ng tuloy-tuloy na pagsasanay at paghahanda.
 
Ayon kay PBGEN Fajardo, “Ang kahandaan ng ating kapulisan ay hindi lamang nasusukat sa dami at kalidad ng kagamitan, kundi higit sa lahat, sa kasanayan, disiplina, at dedikasyon ng bawat pulis na handang tumugon sa tawag ng serbisyo—para sa bayan at para sa buhay.”
 
Ang sabayang inspeksyon ay bahagi ng inisyatibo ng PNP Critical Incident Management Committee, alinsunod sa temang “Sa Bagong Pilipinas, ang Gusto ng Pulis: Ligtas Ka!” na itinataguyod ni Chief PNP Marbil. Layunin nitong mapalakas ang kakayahan ng kapulisan upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad at ng kanilang sariling hanay sa harap ng mga hamon ng kalikasan at sakuna.
 
Patuloy ang PNP sa pagpapatibay ng kanilang disaster preparedness capabilities, katuwang ang pambansang pamahalaan, bilang bahagi ng mas malawak na layunin na maprotektahan ang bawat Pilipino sa panahon ng panganib.