Gob Fernando lamang sa lahat ng survey

Governor Daniel Fernando 2022
Governor Daniel R. Fernando at Vice Governor Willy Sy-Alvarado sa 2022 elections para sa gubernatorial race sa Bulacan
MALAYO ang naging kalamangan ni Governor Daniel Fernando sa lahat ng isinagawang poll survey laban sa kaniyang makakatunggali na si Vice Governor Willy Alvarado sa lalawigan ng Bulacan sa gubernatorial race sa nalalapit na national and local election sa May 9, 2022.
 
Base sa official survey result na inilabas ng Social Climate Research and Survey Group, nasa 44% ang inilamang ni Fernando makaraang makakuha ito ng 63% habang ang kalaban nitong si Alvarado ay 19% lamang at 18% naman ang undecided.
 
Halos parehas ding mga datos ayon sa gobernador ang mga resulta sa iba pang mga legitimate survey groups ng mga business sectors at religious groups.
 
Sinabi pa ni Fernando na maging ang mga legitimate online polls at iba pang official surveys na isinasagawa ng mga kandidato sa bayan-bayan ay puro siya ang angat sa survey at malaki ang mga agwat.
 
Samantala, sa kaniyang Facebook account post kahapon (Enero 18, 2022) sinabi ni Fernando na pinabulaanan mismo ng Pulse Asia ang mga kumakalat na text brigade na si Alvarado umano ang nangunguna sa survey kung saan ito umano ay “fake news” o walang katotohanan.
 
Pinaalalahanan ng gobernador ang mga Bulakenyo na maging mapanuri at huwag basta-basta maniniwala sa mga unofficial o hindi legit na mga survey groups dahil kumakalat ngayon ang mga fake news sites, text blasters ng disinformation, manipulative open letters at iba pang palasak na taktikang pampulitika.
 
Ayon sa gobernador, lumabas ang pekeng Pulse Asia survey, gamit ang isang masked “text service” para ikondisyon ang isip ng publiko na ang kaniyang mga kalaban diumano ang lamang sa kasalukuyan.
 
“Ito ay isang napaka-agang “desperate move” ng aking mga kalaban sa pulitika,” ani Fernando.
 
“Hindi po makukuha ang mga Bulakenyo sa inyong mga kasinungalingan, mga huwad na survey, at iba pang panlilinlang na gawa-gawa at estilo ng mga trapong kandidatong kapit-tuko sa kapangyarihan,” dagdag pa nito.
 
Aniya, hindi nito papayagan ang ganitong maruming taktika ng pamumulitika kung saan dapat umanong itama ang mali at ikalat ang katotohanan para sa isang malinis at marangal na halalan.