Fernando pinapapalitan lahat Rubber Gates ng Bustos Dam

(FILE PHOTO) Taong 2022 nang inspeksyunin ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang Bustos Dam kaugnay ng estado ng mga rubber gates nito kung saan noon pa man ay nirekomenda na nito na palitan lahat ang aniya’y depektibong mga rubber gates. (Larawan ni ERICK SILVERIO)
PINAPAPALITAN  nang lahat ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang anim na rubber gates ng Bustos Dam kasunod ng pagkasira ng rubber gate 3 noong Huwebes ng hapon.
 
Ayon kay Fernando noon pa niya nirerekonenda sa National Irrigation Administration (NIA),  na siyang may kontrol ng operasyon ng Bustos Dam at sa kontratista nito na palitan na lahat ang anim na rubber gates dahil sub-standard ang materyales na ginamit dito.
 
Aniya, posibleng pare-pareho ang mga kalidad nito na mahina at maaari ring masira ang iba pa kagaya ng nangyari noong 2020 sa Rubber Gate 5.
 
Samantala, nilinaw ng gobernador na ang isa sa mga rubber gate ng Bustos Dam ay hindi pumutok bagkus ay sumingaw lang, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at hindi dapat mabahala o mag-panic ang taumbayan.
 
Ayon kay Fernando maliit na volume ng tubig ang kumawala sa Dam at hindi nagdulot ng ano mang pagbaha sa kalapit lugar.
 
Nabatid na dakong alas-2:30 ng hapon noong Huwebes nang bumigay ang Rubber Gate 3, isa sa anim na gate ng Bustos Dam, matapos itong sumingaw na naging dahilan ng pagbuhos ng mahigit 2 metrong tubig mula sa dam.
 
“No need to panic at walang pagbaha dahil maliit lang ang volume ng tubig na natapon,” Fernando said.
 
Ayon sa advisory ng PDRRMO hinggil sa insidente, hindi ito dapat ikabahala dahil maliit na pagbubukas lamang ang Gate 3 at mababawasan lamang ng 2.38 metro ang lebel ng tubig dahil ang kasalukuyang lebel ng tubig ng Bustos Dam ay 17.38 metro lamang.
 
Nabatid na ang nasabing rubber gate ay nasa ibabaw ng dike ng dam na nagpapanatili ng tubig na may 15 metrong lalim ng Bustos Dam.
 
Ang Rubber Gate ay halos 5 metro lamang ang lapad kumpara sa mga 25-30 metro ang lapad ng Ilog Angat, ibig sabihin ay maliit lamang itong bukana ng tubig na tatahakin sa malawak na ilog.
 
Dagdag pa rito, dahil sa panahon ng tag-araw, ang haba ng Ilog Angat ay nasa Yellow Level o nasa mababang antas.
 
Sinabi rin ng PDRRMO na walang dapat ikabahala o pangamba ang mga bayan mula Bustos hanggang Calumpit sa insidente dahil ang epekto nito sa Angat River ay biglaang umaagos lamang na humigit-kumulang 5cm.
 
Bandang alas-4:00 PM, bumalik na sa normal na daloy ang Angat River.
 
Pinaalalahanan ni Gob Fernando bilang Chairman ng PDRRMC ang mga Bulekenyo na walang dapat ikabahala o pangamba sa pagbaha at hindi na kailangang lumikas.
 
Noong Hunyo 2020, nasira ang rubber gate sa Bay 5 ng Bustos Dam dahil umano sa mababang kalidad ng mga materyales na ginamit ng contractor sa rehabilitasyon ng nasabing dam.
 
Nabatid na hindi bababa sa 15,706 ektarya ng palay at gulay na may 12,904 na magsasaka ang nakinabang sa tubig ng Bustos Dam. 
 
 
Agad na tinawagan ng gobernador ang regional office ng National Irrigation Administration (NIA), na siyang namamahala sa operasyon ng Bustos Dam, para magsagawa ng ocular inspection sa dam.
 
Iginiit din ni Fernando na lahat ng anim na rubber gate ay dapat palitan sa lalong madaling panahon.