LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Ipapatupad din ang No Vaccination, No Ride Policy sa mga public utility vehicles (PUVs) na magmumula sa mga lalawigan paluwas sa Metro Manila simula Enero 17, 2022.
Iyan ang nilinaw ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra sa ginanap na pulong balitaan ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng nasabing polesiya sa partikular na sa mga pampasaherong jeepney.
Sa inilabas na Department Order No. 2022-001 ni DOTr Secretary Arthur Tugade, tinukoy na tanging mga indibidwal na kumpleto ang bakuna laban sa COVID-19 ang uubrang pasakayin sa mga PUVs sa buong Metro Manila at maging sa mga lalawigang may mga biyahe na paluwas dito.
Masasabing kumpleto sa bakuna ang isang indibidwal kung makakapagpakita ang isang pasahero ng kanyang lehitimong vaccination card, na magkukumpirma na nakatamo siya ng dalawang doses ng bakuna laban sa COVID-19.
Bukod dito, kailangang makapagpakita rin ng anumang identification card (I.D.) na ipinagkaloob ng pamahalaan na may nakalagay na larawan at tala ng tirahan, upang mapatunayan na ang indibidwal ang mismong may-ari ng nasabing vaccination card.
Kabilang sa mga PUVs ang mga provincial buses, Premium Point-to-Point (P2P) buses, mga UV Express, traditional jeepneys at modern jeepneys.
Ipinaliwanag naman ni DOTr Assistant Secretary for Road Transport Steve Pastor na layunin nito na malimitahan ang galaw ng mga hindi bakunado at mapangalagaan ang kalusugan ng mga bakunado.
Nilinaw din niya na hindi pinagbabawalan na maglakbay ang mga hindi bakunado. Hindi lamang sila pwedeng sumakay ng mga PUVs kung saan mas maraming tao ang makakasalamuha nila.
Hindi rin aniya saklaw ng Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 ang pagpapatupad ng No Vaccination, No Ride Policy ng DOTr. May probisyon sa nasabing batas na hindi dapat gawing obligado ang pagpapabakuna para makipagtransaksiyon sa pamahalaan.
Sa Bulacan, marami sa mga ruta ng mga PUVs ay may biyahe patungo sa Metro Manila. Bunsod ito ng pagiging gateway ng mga nagmumula sa gitna at hilagang Luzon.
Kabilang dito ang mga biyahe ng P2P Buses mula sa Malolos, Santa Maria, Balagtas, Pandi at Plaridel na biyaheng North Avenue sa Quezon City. Pangunahin din sa mga biyahe ng mga provincial buses mula sa Bulacan ang mga rutang Apalit-Caloocan na dadaan sa Calumpit, Malolos at Tabang.
Mayroon ding mula sa Hagonoy, Baliwag at Sibul sa San Miguel na papunta sa Cubao sa Quezon City at Grace Park sa Caloocan. Iba pa riyan ang mga mula sa bayan ng Bulakan, Angat, Tungkong Mangga at Muzon na patungo sa Divisoria at Sta. Cruz sa Maynila.
Nagmumula naman sa mga lungsod ng San Jose Del Monte, Meycauayan, Malolos at mga bayan ng Baliwag at Marilao ang ruta ng mga UV Express paluwas sa Metro Manila. Habang ang mga dyip na mula Bulacan ay may rutang Meycauayan-Monumento, Bigte-Norzagaray-Novaliches at Tungkong Mangga-Lagro.
Ang mga nabanggit na mga ruta ay sakop na ipaiiral na No Vaccination, No Ride Policy.
Kaugnay nito, naglabas si Gobernador Daniel R. Fernando ng Executive Order No. 2 series of 2022 upang limitahan ang mga hindi bakunado sa pagpasok sa mga establisemento.