Pinasususpindi ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang provincial warden at mga jail guards na nasasangkot sa dalawang person deprive of liberty (PDL) na naaresto kamakailan ng mga tauhan ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) Bulacan Field Office na nakalalayang maglabas-pasok sa Bulacan Provincial Jail.

Ayon kay Fernando, nagsasagawa na siya ng bukod na imbestigasyon at inerekomenda na niya ang preventive suspension kay Ret. Col. Rizalino Andaya, provincial jail warden at sa mga sangkot na jail guards kung bakit malayang nakakalabas ng piitan ang 2 PDLs na naaresto ng CIDG kasama ang jailguard na escort nito asawa ng isa sa inmate.
Sinabi ng gobernador na inaantay pa nito ang clearance mula sa Comelec hinggil sa kaniyang action ipapataw dahil sa panahon aniya ng election ay bawal sa isang katulad niyang public servant ang gumawa ng ano mang hakbang o paggalaw sa kaniyang opisina.
Ikinagalit ni Fernando ang insidente nang matanggap niya ang balita kung saan agad-agad nitong pinagalitan si Ret. Col. Rizalino Andaya, provincial jail warden ng Bulacan Provincial Jail at pinaimbistigahan ito at sa mga posible pang mga sangkot sa pagpapalabas ng PDL mula sa piitan.
“Hindi pwede sa akin ang ganyan, kinausap ko ang aming provincial administrator na si Anne Constantino kasama ang provincial legal counsel at inatasan natin na gumawa na ng preventive suspension sa lahat ng sangkot at nakipag-ugnayan na rin tayo sa Commission on Election (COMELEC) para humingi ng legal advice dahil bawal po ngayon ang paggalaw tulad ng pagsususpindi,” wika ni Fernando.
Iginiit din ni Fernando na wala siyang alam sa pangyayaring ito at siya mismo ay ikinagulat ang nasabing ilegal na aktibidades sa loob ng provincial jail kaugnay ng mga presong nakalalabas ng piitan.
“Bawat empleyado na nagkakamali, pinapaimbistigahan ko sa HR. Kapag ito ay nasiguro natin lumabag sa batas at sa rules ng ating kapitolyo, suspindido sila,” ani Fernando.
Magugunita na noong Abril 13 bandang alas-5:00 ng hapon sa Barangay Dakila, Malolos City ay nasakote ng Bulacan CIDG ang mga suspek na sina Abdua Arajalon at Mario San Jose, kapwa mga PDL matapos makatanggap ng impormasyon na ang mga ito ay malayang nakalalabas mula sa bulacan Provincial Jail bagamat may mga nakabinbin na kaso.
Si Arajalon ay dati umanong miyembro ng Special Weapon And Tactics (SWAT) at siyang “Mayor” sa Bulacan Provincial Jail na miyembro ng ‘Sputnik Gang’ na nahaharap sa kasong Murder habang si San Jose ang siya namang “Chairman of Barangay 11” sa kanilang selda na nahaharap sa kasong Homicide at miyembro rin ng “Sputnik Gang’.
Arestado rin ang escort jailguard na si Tee Jay Jimenez dahil sa ‘illegally escorting a detainees without court authorization’ at ang asawa ni Arajalon na si Sarah Wahid dahil sa umanoy pakikipagsabwatan at payagan ang mga detainees na makatakas.
Ang apat ay nadakip habang sakay ng isang Toyota Hilux color red at may plakang DBP 4088, narekober din dito ang isang Caliber .45 at isang Glock .9mm.