LUNGSOD NG MALOLOS – Pangungunahan ni Kalihim Ma. Cristina A. Roque ng Department of Trade and Industry (DTI) ang “DTI Goes to the Regions” na gaganapin sa bakuran ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa lungsod na ito, bukas, Abril 2, 2025.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng pangako ng DTI na itaguyod ang pag-unlad ng ekonomiya at mapalakas ang akses sa merkado sa buong bansa.
Magsisimula ang pagbisita sa Tatak Bulakenyo Pasalubong Center at One Town, One Product Hub ng Pamahalaang Panlalawigan, na susundan ng isang programa na gaganapin sa Bulwagang Senador Benigno S. Aquino, Sangguniang Panlalawigan Session Hall kung saan ipiprisinta ng mga pangunahing personalidad sa Bulacan ang pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan.
Sa pagsasagawa ng caravan na ito ay magkakaroon ng pagkakataon ang kalihim na makipag-ugnayan sa mga lokal na negosyante, tignan ang iba’t ibang serbisyo ng OTOP, at makipagkita sa mga kinatawan mula sa iba’t ibang OTOP MSMEs tulad ng Bagong Barrio MPC, Likhang Bulacan Entrepreneurs Association, Inc., Jedidiah Food Industry OPC, Lennie V. Food Products, at Rose Garcia Longganisa. Layon ng pakikipag-ugnayan na ito na itampok ang masiglang sektor ng Micro, Small, and Medium Enterprises (MSME) sa Bulacan at ang potensyal nito para sa paglago.
Samantala, tatalakayin ni Abgd. Jayric L. Amil, pinuno ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office, ang mga kasalukuyang inisyatiba ng Bulacan upang suportahan ang paglago ng MSMEs at mapabuti ang pagnenegosyo, habang tatalakayin naman ni Corina Tengco-Bautista, pangulo ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI), ang mga programa, parangal, at ang mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng mga lokal na negosyo.
Magtatapos ang caravan sa isang diyalogo ng mga stakeholder na kinabibilangan ng mga makapangyarihang kinatawan mula sa sektor ng negosyo at gobyerno, kabilang na si Cristina Tuzon, Rehiyonal na Gobernador ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), at mga pangunahing OTOP MSMEs. Tatalakayin dito ang mga oportunidad para sa kolaborasyon at mga posibleng solusyon sa mga hamon na kinahaharap ng mga lokal na negosyante.
Ang pagpili sa Bulacan bilang sentro ng unang caravan ay nagpapakita ng tayo ng lalawigan bilang isang umuusbong na economic powerhouse ng bansa na suportado ng mga parangal na tinanggap kamakailan tulad ng Presidential Recognition for Outstanding Development Partners at ang 1st Gawad Bayanihan sa Pamumuhunan Award, na nagpapakita ng pangako ng Bulacan sa inobasyon at suporta sa mga lokal na negosyante.
Pagkatapos ng pagbisita, tutungo si Kalihim Roque at ang mga opisyal sa isang Regional Townhall Meeting sa Pampanga upang talakayin ang mga programa ng DTI at mga estratehiya upang mapalakas ang pagiging mapagkumpitensiya sa negosyo at inklusibong pag-unlad ng ekonomiya sa Gitnang Luzon.