P2-M reward inilabas vs suspects sa 3 pinaslang sa Bulacan

Ipinahayag ni Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director BGen Jean Fajardo na maglalaan sila ng P2-Milyon pabuya sa sino mang makapagbibigay impormasyon o pagkakakilanlan para maaresto ang mga suspek na responsable sa pagpaslang sa Information Technology consultant at girlfriend nito at kaniyang security aide at ikasugat ng pito pang indibidwal sa naganap na pamamaril noong Biyernes ng hapon sa Maharlika Highway, Barangay Capihan, San Rafael, Bulacan.
 
Ayon kay Fajardo ay tuloy-tuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa naganap na shooting incident na ikinasawi ng 3 at ikinasugat ng pito pang katao.
PBGEN Jean Fajardo, PRO3 regional director
 
“We are pursuing good leads right now, but we don’t want to give a specific details for now, but we want to assure everyone that yun ating lead na sinusundan ngayon ay naniniwala kami na matutunton natin kung sino ang may kagagawan at posibleng utak sa insidente na ito,” ani Fajardo.
 
Naglabas ang PRO3 ng P2-milyon para mahuli ang mga suspek sa lalong madaling panahon.
 
“We are just documenting itong mga nakuha nating pieces of evidence dahil gusto po natin na airtight ang isasampa nating kaso laban dito sa mga lead na sinusundan natin ngayon,” ayon kay Fajardo.
 
Tinitingnan na rin ng Kapulisan ang posibleng political motivated ang pamamaril dahil ang isa sa biktima ay IT consultant ng mga political figures sa Bulacan.
 
“What we can assure is wala tayong palalagpasin dito regardless kung sino man ang involve dito,” dagdag pa ni Fajardo.
 
Samantala, sinabi ni Fajardo na pinag-aaralan ng Kapulisan na ilalagay ang munisipalidad ng San Rafael bilang election area of concern.
 
“Pinag-aaralan po natin kung ito pong munisipyo ng San Rafael, Bulacan maybe considered o recommended as under election area of concern, dahil kung mapapatunayan at may sapat na ebidensiya na itong insidente na ito ay politically motivated then papasok siya sa parameters na yellow category,” ani Fajardo.