3 Patay sa Ambush sa Bulacan

Tatlo katao ang kumpirmadong patay matapos tambangan ng mga armadong suspek sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Capihan, San Rafael, Bulacan Biyernes ng hapon.
 
Ang biktima ay kinilalang si Brian Villaflor, 27, binata, residente ng Barangay Poblacion, San Ildefonso. Patay din ang kaniyang girlfriend at security aid na di pa nakikilala.
 
Sa telephone interview kay Cong. Lorna Silverio ng 3rd District ng Bulacan, kinumpirma nito na si Villaflor ay kasalukuyang Information Technology specialist/ social media operator ng kanilang team para sa anak niyang si Vic Silverio na kandidato bilang Congressman sa kanilang distrito.
 
Base sa report na natanggap ni Cong. Silverio, ang tatlong biktima ay sakay ng Ford Everest (SUV) kulay black papuntang SM Baliwag upang mag-shopping ng biglang tambangan ng dalawang SUV na Toyota Rav4 at Mitsubishi Montero dakong alas-3:15 Biyernes ng hapon.
 
Nabatid na agad bumaba ang mga armado ng M-16 rifle na mga suspek at walang habas na pinaulanan ng bala ang ang sasakyan ng mga biktima kung saan nawalan ng kontrol at sumalpok sa isang tricycle at tindahan.
 
Mabilis na tumakas ang mga suspek sa di pa mabatid na direksyon.
 
Ayon pa sa report, mahigit sa 50 tama ng bala ang makikta sa  sasakyan ng biktima.
 
PHOTOS FROM FACEBOOK POSTS (CTTO)