4 Munisipyo Naka-lockdown Sa Bulacan

Governor Daniel R. Fernando
PARALISADO ang apat na munisipyo sa lalawigan ng Bulacan makaraang isinailalim sa 7-day lockdown bunsod sa pagkakaroon ng sintomas at kalaunan ay nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang mga empleyado rito simula Enero 13 hanggang 19, 2022.
 
Kabilang sa mga munisipalidad na isasara pansamantala ang buong gusali ay ang mga munisipyo ng Angat, San Rafael, Balagtas at Bocaue upang bigyan-daan ang isasagawang disinfection sa bawat departamento o sa buong gusali nito.
 
Ang mga nabanggit na munisipyo ay magiging paralisado simula sa mga petsang nabanggit dahil na-expose, nagkaroon ng sintomas at kalaunan ay nagpositibo sa Covid-19 ang mga kawani o LGU personnel.
 
Ang mga kawani na may mga indikasyon ng Covid-19 disease ay mula sa mga tanggapan ng Municipal Health, Mayors Office, Budget, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Treasury, Assessors Office, Agriculture, Accounting Office, Civil Registry hanggang sa Traffic Management.
 
Mananatili naman accessible sa publiko ang mga medical frontline services, traffic management at rescue para matugunan ang mga emergency sa mga nasabing bayan.
 
Sa Lungsod ng Meycauayan ay sinuspinde rin ng pamahalaang lungsod dito ang operasyon o transaksyon sa Business One Stop Shop (BOSS) na siyang nag-aasikaso sa mga kumukuha at nagre-renew ng mga business permit.
 
Samantala, sa ginanap na pagpupulong kamakailan ng Bulacan Provincial Task Force on Covid-19, patuloy na nanawagan si Governor Daniel Fernando sa mga chief executive sa bawat LGU at sa mga Bulakenyo na mahigpit na ipatupad ang minimum health standard protocol ng IATF.
 
“Kailangang maging pananuri at disiplinado tayo at sumunod sa tagubilin ng IATF dahil ito ang mabisang paraan para makaiwas na magkasakit at upang hindi maparalisado ang serbisyo ng ating mga kaagapay na mga health care workers at kasamang mga LGU,” wika ng gobernador.
 
Sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit 9k ang Covid-19 active cases sa Bulacan at kabilang sa mga lugar na isinailalim sa Quarantine Alert Level 3 hanggang sa Enero 22, 2022.