Rape vs Pandi mayor, 2 pa, ibinasura ng korte

PANDI, Bulacan—Ibinasura ng Caloocan court ang kasong “rape” laban kay Mayor Enrico Roque at sa dalawang iba pa dahil sa kakulangan ng ebidensya gayundin sa kahina-hinalang ebidensya at pagkakakilanlan ng nagrereklamo. 
Pansamantalang ibinasura ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 121 Presiding Judge Rowena Violago Alejandria ang mga kaso ng panggagahasa laban kina Roque, Pandi Councilor Jonjon Roxas at Rogelio Raymundo Jr. matapos hindi dumalo sa mga pagdinig ng ilang beses.
Mayor Enrico A. Roque
Una pa man ay kaduda-duda na ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng complainant na kinilalang si Mikaela Mariano.
 Nauna nang sinabi ni Roque na “politically motivated” ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila dahil napag-alaman na ang nagpanggap na complainant  ay walang record batay sa talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Hindi mahanap ang address na ibinigay niya, at peke pala ang medico-legal na ipinakita niya.
“When the case was called, there is still no appearance on the part of the private complainant…despite personal service of the subpoena sent upon her. The return of the subpoena sent to said private complainant shows ‘cannot be located.’ The record further shows that this is the second time that the private complainant failed to appear despite notice,” ayon sa desisyon.
 “Wherefore, in view of the repeated failure of the private complainant to appear despite notice and on motion of the defense counsel, let this case be provisionally dismissed with the express conformity of the accused,” wika ni Alejandria sa order na ipinalabas dated February 25, 2025.
Noong Disyembre 17, inaresto sina Roque, Roxas at Raymundo sa isang Christmas party na idinaos nila para sa mga senior citizen  sa resort na pag-aari ng alkalde.
Ang mga miyembro ng Northern Police District (NPD) ay nagsilbi sa kanila ng warrant of arrest batay sa mga kasong isinampa ni Mariano noong Abril 2019.
Disyembre 23 nang iutos na palayain si Roque at ang dalawang iba pa kasunod ng pagbigay ng korte sa kanilang mosyon na ipawalang-bisa ang warrant of arrest matapos ang usaping hindi sila nakatanggap ng kopya ng reklamo… “thereby effectively denying them their opportunity to be informed of the facts and circumstances of the charges”, ayon sa isa pang utos ng korte.
Noong Enero 22, naglabas din ang korte ng motion to withdraw information, na nagsasaad na hindi sapat na bigyang-katwiran ang karagdagang legal na aksyon laban kay Roque et al o sa kanilang sakdal.
Iponag-utos ng korte ang agarang pagpapalaya ni Roque et al at ang tuluyang pagbasura sa kanilang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya at serious discrepancies sa mga alegasyon.
Ayon sa utos ng korte, dalawang beses na binigyan ng subpoena ang complainant, ngunit nabigo ang mga ito na dumalo sa mga pagdinig.
Binatikos ni Roque ang pagsasampa ng mga kaso, na tinawag niyang gawa-gawang kaso at “isang intensyonal na pag-atake sa kanyang pangalan at reputasyon”.
Itinuring din niya ang kaso bilang isang paglabag sa kanyang konstitusyonal na karapatan sa angkop na proseso at isang pagpapakita ng potensyal na kawalang-katarungan sa loob ng legal na sistema.