Hiniling ng abogado ni Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque sa isang regional trial court sa Caloocan City na ibasura ang mga kasong panggagahasa at ang pagbawi ng warrant of arrest laban sa kanyang kliyente at sa dalawang iba pa.
Sa isang motion to quash na ibinahagi ni Atty. John Ree Doctor sa mamamahayag, nangatuwiran ang akusado na ang warrant of arrest ay isang “malinaw na paglabag sa [kanilang] constitutional right to due process.”
Sinabi rin nila na ang mga paratang ay “bukod sa hindi totoo at gawa-gawa, politically motivated na idinisenyo lamang bilang bahagi ng pangha-harass” sa mga akusado.
Sa pahayag ni Atty. Doctor sa isinumiteng Motion to Quash, nakasaad dito na sila ay “inalisan ng pagkakataon na malaman ang mga katotohanan at pangyayari ng mga paratang na isinampa laban sa kanila bilang paglabag sa karapatan ng konstitusyon sa angkop na proseso” nang hindi sila makatanggap ng kopya ng reklamo laban sa kanila ni anumang pagsusumamo na may kaugnayan sa kaso.
Nakasaad sa mosyon na ang lahat ng akusado ay residente ng Pandi, Bulacan, at hindi ng Bagong Silang, Caloocan—kung saan naka-address ang mga rekord ng City Prosecutor.
Ito umano ay malinaw na panlilinlang sa hukuman at sa taumbayan, anang abogado ni Roque.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y gang rape kay Mikaela Mariano noong Abril 6, 2019 sa umanoy bahay ni Roque sa Bagong Silang, Caloocan City.
Si Roque, kasama si Pandi Councilor Jonjon Roxas, at government employee na si Roel Raymundo ay nahuli noong Martes matapos kasuhan ng dalawang bilang ng panggagahasa, sa pamamagitan ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 121 sa Caloocan City.