SA ikalawang taong magkasunod ay muling ginawaran ng pinakamataas na pagkilala bilang Seal of Good Local Governance (SGLG) Awardee ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Lokal na Pamahalaan ng Pandi, Bulacan kamakailan.
Ang 2024 SGLG award ay tinanggap nina Pandi Mayor Enrico A. Roque at Vice Mayor Lui Sebastian mula kay DILG Secretary Jonvic Remulla na ginanap sa Manila Hotel sa Metro Manila Noong Disyembre 10, 2024.
Ang SGLG ay isang taunang parangal na ibinibigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na nagpapakita ng kahusayan sa pamamahala.
Kinikilala ng parangal ang mga LGU na transparent, accountable, at epektibo sa kanilang paggamit ng pampublikong pondo.
Kabilang sa ilan sa mga lugar ng pamamahala na sinuri at sinala para sa SGLG ay ang Financial administration and sustainability, Disaster preparedness, Social protection and sensitivity Health compliance and responsiveness, Sustainable education, Business-friendliness and competitiveness, Safety, peace and order, Environmental management, Tourism, heritage development, culture and arts, at Youth development.
Ayon kay Mayor Roque, ang pagkilala ay karangalan at tagumpay ng bayan ng Pandi at ng bawat Pandienyo kung saan tiniyak ng alkalde na magpapatuloy at huhusayan pa nila ang tunay na sERbisyong May Puso at Talino.
Nabatid na ito ang ikalawang sunod na taon 2023 at 2024 na kinilala bilang Seal of Good Local Governance (SGLG) Awardee ang nasabing munisipalidad.
“Ang SGLG po hindi lamang patunay ng mahusay, tapat, at maayos na pamamahala sa ating bayan kundi kasama din po ang pagpupursigi at pinagsama-samang galing ng mga kawani ng ating lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng tamang serbisyong may puso at talino,” ayon kay Roque.
Ang tinanggap na parangal ayon pa kay Roque ay inspirasyon para lalo pa nilang pagbutihin ang serbisyo para sa Pandi para sa maayos, maunlad, at maipagmamalaking Pandi.
Bukod sa parangal ay pinagkalooban din ang Pandi ng P1,153,000.00 halaga ng SGLG Incentive Fund Subsidy para magamit sa high-impact projects ng nasabing munisipalidad.