LUNGSOD NG MALOLOS – Opisyal na sinalubong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang Kapaskuhan sa isang nakamamanghang Paskong Bulakenyo: Pag-iilaw ng Punong Pamasko na nagtampok sa seremonyal na pag-iilaw ng PGB Christmas Tree sa Gen. Gregorio Del Pilar Park, Antonio S. Bautista Bulacan Provincial Capitol Compound dito Miyerkules ng gabi.
May daan-daang Bulakenyong dumalo, pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pinakaaabangang seremonya kasama sina Bise Gob. Alexis C. Castro, Sangguniang Panlalawigan, mga pinuno ng tanggapan at mga empleyado, na nasaksihan ang matayog na Christmas tree na pinalamutian ng mga kumikinang na ilaw na may edgy look, at nagniningning na bituin sa tuktok na sumisimbolo sa walang hanggang diwa ng pag-asa at pagkakaisa ng lalawigan.
Binigyang buhay din ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang musical feast kung saan hinarana ng Hiyas ng Bulacan Brass Band at CEU Chorale ang madla.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Fernando ang kahalagahan ng pagkakaisa lalo na sa panahon ng Kapaskuhan.
“Tayo nawa ang maging pinakamagandang regalo sa ating kapwa – ngumiti, umunawa, magpatawad, magmahalan. Ibahagi natin ang ating mga biyaya sa iba, lalo na sa mga higit na nangangailangan,” anang gobernador.
Upang tapusin ang gabi, isang engrandeng fireworks display ang nagpaliwanag sa kalangitan ng Bakuran ng Kapitolyo, na nagpamangha sa mga tao na tanda ng pagsisimula ng Kapaskuhan na puno ng pag-asa at kagalakan.