FL Liza Marcos, tutulong pabilisin ang mga proyektong Kontra-Baha sa Bulacan

PULILAN, Bulacan- Malaking pag-asa ang iniwan ni First Lady Liza Marcos para sa mga Bulakenyo na mapapabilis ang mga proyektong imprastraktura na Kontra-Baha sa lalawigan.

Pinangunahan ni First Lady Liza Araneta-Marcos (nasa gitna) ang pagdadaos ng Invest Bulacan 2024 na bahagi ng taunang Bulacan Business Conference sa North Polo Club, Pulilan, Bulacan. Kasama ng unang ginang sa larawan sina (nakaupo mula sa kaliwa) Bise Gobernador Alexis Castro, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman and Chief Executive Officer Alejandro Tengco, Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) President Corina Tengco-Bautista at si Bulacan First District Representative Danilo Domingo. Nakatayo sa likuran ang iba pang local chief executives ng Bulacan. (Shane F. Velasco)

Iyan ang sentro ng naging pakikipag-usap ng unang ginang sa mga lokal na opisyal ng Bulacan at mga pinuno ng Bulacan Chamber of Commerce of the Philippines (BCCI), nang pangunahan niya ang pagdadaos ng Invest Bulacan Summit 2024 na bahagi ng taunang Bulacan Business Conference sa North Polo Club sa Pulilan, Bulacan.

Naging instrumento ang nasabing summit upang mailatag sa mga Bulakenyo ang mga pangmatagalang solusyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., upang pabilisin ang paghupa ng baha sa lalawigan.

Sa ulat ni Department of Public Works and Highways (DPWH)- Region III Assistant Regional Director Melquiades Sto. Domingo sa harap ni First Lady Marcos, nasa 19 na mga Pumping Stations at Flood Gates ang planong ipagawa sa Malolos, Hagonoy, Calumpit, Paombong, Bulakan at Guiguinto.

Nakatakdang simulan sa taong 2025 ang unang sampu na pinondohan ng DPWH mula sa halagang P250 milyon hanggang P300 milyon ang bawat isa. Pinakamalaki sa mga itatayong Pumping Stations ay nasa Barangay Sto. Rosario sa Hagonoy.

Isa itong pasilidad kung saan ang mga sobrang tubig mula sa malakas na ulan ay iipunin muna rito sa panahon na mataas pa ang lebel ng tubig sa dagat. Kapag bumaba na ang dagat, ibobomba naman nitong Pumping Station ang tubig palabas. Sa ganitong paraan, magiging mabilis ang paghupa ng baha sa mga lansangan at mga bukas na espasyo.

Iba pa rito ang pagpapalalim at paglalagay ng mga matataas na dike sa mga ilog ng Bocaue, Bulakan, Balagtas, Guiguinto at Kalero sa Malolos. Nasa P13.6 bilyon ang inisyal na kailangang pondo para sa nasabing mga proyektong Kontra-Baha.

Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, binigyang diin ni First Lady Marcos sa kanilang pag-uusap na malinaw ang direksiyon ng Bulacan tungo sa pagiging isang ‘First World Province’. Kitang kita ito sa mga itinatayo nang mga big-ticket infrastructure projects tulad ng North-South Commuter Railway (NSCR) System, Metro Rail Transit (MRT) 7 at ang New Manila International Airport.

Para aniya sa unang ginang, hindi ito dapat mapigilan ng palaging pagkakaroon ng malawakan at matagal na pagbabaha na nagreresulta ng malaking pinsala sa mga industriya at kabuhayan ng karaniwang mga Bulakenyo.

Kinausap naman ni First Lady Marcos si Bulacan Provincial Engineer Glen Reyes na agad na isumite sa kanyang tanggapan ang mga detalye para naman sa proyektong Water Impounding Facility sa Calumpit, Bulacan.

Suportado ng unang ginang ang proyektong ito na tutugon sa matagal nang problema ng pagbabaha sa nasabing bayan na naging catch-basin. Ibig sabihin, nakadaan na ang bagyong may dala ng ulan at umaaraw na ngunit noon pa lamang bumabaha dahil sa pagbaba ng tubig mula sa Nueva Ecija at Pampanga.

Planong ilagak ang impounding facility na ito sa 450 ektaryang lupa na sakop ng mga barangay ng San Jose at Iba O’ Este. Ito ang ilan sa bahagi ng Calumpit na hindi na nawala ang tubig-baha mula nang humagupit ang bagyong ‘Pedring’ noong 2011.

Base sa detailed engineering design na isinumite ng Provincial Engineer’s Office (PEO) kay First Lady Marcos, dito iipunin ang mga sobrang ulan sa halip na magpapabaha sa kanayunan. Sa panahon ng tag-araw, ito ay padadaluyin sa mga lupang sakahan upang maging patubig na pangangasiwaan naman ng National Irrigation Administration (NIA).

Samantala, ikinagalak ng unang ginang sa nasabing Invest Bulacan Summit na maliwanag na kaisa ang Bulacan sa bisyon ng administrasyong Marcos Jr. para sa isang Bagong Pilipinas. Ito’y dahil sa mga tagumpay mula sa mga ipinatupad na reporma at programang pangkaunlaran.

Patunay dito ang pagkakatamo ng Bulacan ng Seal of Good Local Governance sa loob ng walong taong singkad, pag-angat sa Ika-11 na pwesto sa competitiveness index mula sa pang-40 at pangpitong lalawigan na may pinakamalakas na lokal na ekonomiya sa buong Pilipinas.