ISINAILALIM na rin ang tatlo pang kalapit-probinsiya sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) cases sa mas mahigpit na quarantine status na Alert Level 3.
Ang Alert Level 3 ay itinaas sa mga probinsiya ng Bulacan, Cavite at Rizal epektibo simula Enero 3-15, 2022 bunsod sa muling pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 na hinihinalang dulot ng Omicron variant, ayon sa Malacañang nitong Martes.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang desisyon ay base sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa isang pagpupulong nitong Lunes.
“Due to a sharp increase of Covid-19 cases in the particular localities, the Inter-Agency Task Force (IATF) approved yesterday, Jan. 3, 2022, the recommendation of its sub-Technical Working Group on Data Analytics to escalate Bulacan, Cavite, and Rizal to Alert Level 3. This shall take effect from Jan. 5, 2022 until Jan. 15, 2022,” ayon kay Nograles.
Magugunita na nitong Disyembre 31, 2021, itinaas ng IATF ang Metro Manila sa Alert Level 3 hanggang Enero 15.
“Hindi sumipa ng ganoon kataas iyong admissions natin sa hospital (Our admissions in hospitals did not increase that much). ICU is not bad, but the cases are rising,” aniya.
Umabot sa mahigit 5,400 new Covid-19 cases ang bagong naitala ng Department of Health (DOH) as of January 4 kumpara sa mahigit 4,000 as of January 3 na posibleng sanhi ng local transmission ng Omicron variant of Covid-19.
Kaugnay nito, patuloy na nanawagan si Governor Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na mahigpit na sumunod sa mga tagubilin ng IATF na ipatupad ang health standard protocol para mapababang muli ang Covid cases sa Bulacan.
Ayon sa gobernador, kailangang maging disiplinado at responable sa pag-iingat para iwas-hawa.
Nabatid na umabot na sa 614 ang Covid cases sa Bulacan as of January 4.