Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Mahigit Php 74 milyong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga otoridad sa Gitnang Luzon mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 25 sa walang humpay na kampanya laban sa iligal na droga ng Police Regional Office 3.
Matagumpay na naisagawa ang 910 na operasyon kontra droga na nagresulta sa pagkakaaresto ng 1,365 na indibidwal. Nakumpiska din ang 4,964 gramo ng shabu, 10,889 gramo ng marijuana, at 26,000 gramo ng kush, na may kabuuang halaga na aabot sa Php 74,064,534.78.
Bukod dito, nakumpiska rin ang 89 mga baril, na nagpapakita ng pagsisikap ng PRO3 na labanan hindi lamang ang droga kundi pati na rin ang mga iligal na baril.
Ayon kay PBGen Redrico Maranan, Regional Director ng PRO3, “Ang tagumpay na ito ay patunay ng dedikasyon ng ating kapulisan sa pagtaguyod ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Pinapaigting namin ang kampanya laban sa droga, alinsunod sa direktiba ng ating Chief PNP na si PGEN Rommel Francisco D. Marbil, at sinisiguro namin na ang bawat operasyon ay naisasagawa nang naaayon sa batas at may respeto sa karapatang pantao.”
Dagdag pa ni Maranan, “Hinihikayat namin ang ating mga kababayan na makipagtulungan sa PNP sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon hinggil sa anumang aktibidad na may kaugnayan sa iligal na droga. Sama-sama nating labanan ang salot na ito para sa mas ligtas at mapayapang komunidad.”
Patuloy na nagsasagawa ng mas pinaigting na operasyon ang PRO3 upang labanan ang paglaganap ng iligal na droga at tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan sa rehiyon.