UAE nagpaabot ng tulong sa mga magsasaka sa Bulacan

UAE AID FOR BULAKENYO FARMERS. Sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro kasama ang ilan sa 3,000 mga Bulakenyo na tumanggap ng 3,000 kahon na mga ayuda mula sa United Arab Emirates sa pangunguna nina (katabi ni Fernando) G. Obaid Ahmed Alshehhi, First Secretary ng embahada ng UAE sa Maynila, at (itaas na hanay, kaliwa) G. Motaz Mohamed Salih Mustafa Mohamed Salih, Program Leader ng Emirates Red Crescent, sa isinagawang Distribution of Goods from United Arab Emirates to Farmers of Bulacan matapos ang hagupit ng nakaraang Bagyong Kristine na isinagawa sa Bulacan Capitol Gymnasium, Lungsod ng Malolos, Bulacan. Kasama rin sa larawan ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development sa pangunguna nina DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Diana Rose S. Cajipe; DSWD Field Office 3 Regional Director Venus F. Rebuldela; Panlalawigang Pinuno sa Pagsasaka Ma. Gloria SF. Carrillo; at (ikalawang hanay, kaliwa) Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena J. Tiongson.

LUNGSOD NG MALOLOS – Upang matulungang makabangon ang mga nasa agrikutural na komunidad matapos ang hagupit ng nagdaang Tropical Storm Kristine at iba pang hamong pang ekonomiya, namahagi ng may kabuuang 3,000 kahon ng essential goods sa mga Bulakenyong magsasaka sa lalawigan ang United Arab Emirates sa pangunguna ng Emirates Red Crescent noong Sabado, Nobyembre 23, 2024 sa Bulacan Capitol Gymnasium dito.

Inihatid ng mga kinatawan mula sa UAE kabilang sina G. Obaid Ahmed Alshehhi, Unang Kalihim ng Embahada ng UAE sa Maynila, at G. Motaz Mohamed Salih Mustafa Mohamed Salih, pinuno ng programa ng Emirates Red Crescent, ipinamahagi ang 3,000 kahon sa mga pre-identified farming communities sa iba’t ibang munisipalidad at lungsod sa Bulacan, na naglalaman ng limang kilong bigas, food supplieshygiene items at iba pang pangangailangan.

Sa kanyang mensahe, personal na inihayag ni Fernando ang kanyang pasasalamat sa gobyerno ng UAE para sa kanilang tulong sa sektor ng pagsasaka sa lalawigan.

“This generous donation from the United Arab Emirates reflects the strong international partnerships we continue to foster for the welfare of our people. These goods symbolize hope and encouragement for our farmers who tirelessly work to ensure our food security. On behalf of the Bulakenyos, we are truly grateful,” anang gobernador.

Binanggit din ni Fernando ang kanyang plano na i-level up ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pasilidad sa Doña Remedios Trinidad gaya ng Productivity Center, Breeding Center at Multiplying Center, na kapwa magpapalakas sa pagiging produktibo ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga libreng pataba, punla, at paghahayupan. 

Samantala, nakapagtala ang Provincial Agriculture Office ng may kabuuang P561,695,711.45 damages sa agrikultura na nakaapekto sa 3,388 na magsasaka at mangingisda matapos ang paghagupit ng Tropical Storm Kristine.