3 NOTORYUS MOTORNAPER ARESTADO SA HOT PURSUIT SA BULACAN

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga— Sa mabilis na aksyon ng mga awtoridad kaugnay ng iniulat na insidente ng carnapping, dalawang hinihinalang myembro ng notoryus na motornapping group ang naaresto sa isang hot pursuit operation na isinagawa ng Plaridel Municipal Police Station (MPS) sa pakikipag-ugnayan sa Calumpit MPS, linggo ng madaling araw, Nobyembre 17.
Base sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-11:30 ng gabi noong Nobyembre 16, sa Barangay Lagundi, Plaridel at ito ay naireport sa Plaridel MPS bandang 1:50 ng madaling araw noong Nobyembre 17, 2024.
Ang mga biktima ay isang 43 taong gulang na negosyante na natangayan ng isang Honda ADV motorsiklo at isang 20 anyos na binata na nakuhanan naman ng isang Honda Click na motorsiklo.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang kapulisan, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek na sina: alyas “Kier,” alyas “Joross,” at alyas “Dave,” habang sakay ng isang itim na Aerox motorcycle na may plate number 513QQW at isang itim na Rusi motorcycle na walang plaka.
Nahaharap sa mga kasong kriminal para sa paglabag sa Republic Act No. 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016 ang mga suspek.
Nagbigay naman ng pahayag si PBGen Redrico Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 3 na kung saan sinabi nyang “Ang tagumpay ng operasyong ito ay resulta ng ating tuluy-tuloy na kampanya laban sa kriminalidad. Tinitiyak natin sa publiko na ang kapulisan ay laging handang rumesponde para sa kanilang kaligtasan at proteksyon. Ito rin ay mensahe sa mga nasa likod ng ganitong gawain: Hindi kayo makakaligtas sa kamay ng batas”.