Salamat sa pagkakataon na muling makapagsulat ng kolum, na ngayo’y sa isang pahayagang online, ang Centro News. Ang kolum ko na may pamagat na Kalma Lang ay naglalayong magpahayag ng mga ideya at kaisipan sa pagiging kalmado at pagpapaunlad ng sarili. Ngunit paminsan-minsa’y tatalakayin din natin ang ibang mga paksa tulad ng politika, isports, at iba pa. Nawa’y makatulong ang mga ideya at kaisipan ng kolum na ito sa sinumang makakabasa.
* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *
Sisimulan ko ang aking kolum sa konsepto ng pagiging kalmado. Sa Ingles ito ay tinatawag na calmness. Gaano ba kahalaga ang kahinahunan o calmness? Napakahalaga nito hindi lamang para sa ating mga gawain kundi pati na rin sa ating buhay.
Noong ako ay medyo bata pa at nagtatrabaho sa Makati ay madalas akong hindi kalmado. Hindi ko pa kasi alam noon ang mga konseptong ito. Mabilis akong maglakad at aligaga ang aking isip. Sa pagsakay sa LRT, tumatakbo akong paakyat ng hagdan at pagbaba ko naman sa bus sa Ayala ay tumatakbo rin ako para hindi ma-late. Madalas na pagdating ko sa opisina ay pagod na pagod ako at hindi kalmado. Sa pagtatrabaho, gusto ko na agad tapusin ang mga project sa pinakamabilis na paraan. Maayos naman ang gawain ko pero “rush” ang pakiramdam ko.
Ayon sa mga eksperto, ang pagiging “rush” sa mga gawain ay nagdudulot ng di-magandang epekto sa katawan. Ito ay nagreresulta sa tinatawag na Type A Personality, kung saan marami tayong nagagawa at naisasakatuparan, ngunit nagkakaroon naman ng risk ng altapresyon at iba’t ibang sakit sa katawan.
Hindi lamang sa trabaho nangyayari ito. Halimbawa, naobserbahan mo na ba ang sarili mo kung gaano ka kabilis mag-scroll ng smartphone? Kung halos hindi mo na nababasa ang mga posts, at kung nagla-like ka kahit hindi nababasa ang post, ang ibig sabihin ay nasa “rush” state ka. Panahon na para medyo bagalan mo ang iyong galaw at maging mindful ka sa iyong ginagawa.
Estudyante ka ba na laging “rush” sa iyong mga module? Online seller ka ba na laging nagmamadali sa iyong mga order? Empleyado ka ba na laging stressed sa mga deadline? Panahon na para baguhin mo ang nakasanayan.
Kung pag-aaralan mo buhay ng mga tinatawag na masters o maestro tulad ni Gautama Buddha at Hesukristo, makikita mo na ang buhay nila ay nakasandig sa kahinahunan o calmness. Si Hesus, sa eksenang may bagyo sa dagat, ay kalma lamang habang pinahihinto ang unos, habang si Buddha naman ay laging nakaupo na pang-meditasyon sa kanyang mga imahe.
Mahirap sa umpisa na gayahin ang kahinahunan nila, ngunit puede kang magsimula sa maliit na paraan. Halimbawa, kung estudyante o empleyado ka, maglaan ka ng isang oras para sa bawat gawain o asignatura. Sa ganitong paraan, makapagpopokus ka sa iyong ginagawa.
At bakit kailangang magmadali ka sa iyong paglalakad? Mainam na ang mahuli sa opisina kaysa sumemplang ka sa paglalakad o sa pagmomotor. Kalma lang, ika nga. Ang ilang minutong mawawala sa pagiging late sa opis ay hindi katumbas ng gastos sa ospital. At saka pìnakamaganda, gumising ka na lang ng maaga.
Kaya simula bukas, paggising mo ay wag agad biglang tayo at tumakbo. Gumising ka ng mas maaga, magmuni-muni ng ilang minuto at gawin ang lahat ng bagay sa buong araw ng kalmado. Ito ang magiging simula ng bagong buhay mo.
* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *
Isang pagpupugay sa Hari ng Kapayapaan at Kahinahunan, ang ating Panginoong Hesus, sa kanyang kapanganakan.
Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon po sa ating lahat!