PLARIDEL, Bulacan- Health care program ang prayoridad ng liderato ni Mayor Jocell R. Vistan ng bayang ito kung kaya’t sa kanyang pagsusumikap ay nabuksan na publiko ang bagong-bagong Plaridel Dialysis Center na magsisilbi na ngayon at aalalay sa kalusugan ng mga Plaridelenyos.
Pormal na binasbasan at binuksan nito lamang nakaraang linggo ang Plaridel Dialysis Center na matatagpuan sa Rocka Village, Brgy. Tabang na isang private-public project na pinagsumikapan ni Mayor Vistan upang makatulong sa kanyang mga kababayang nangangailangan ng Hemodialysis.
Hangad ng alkalde na agad na mabigyan ng kaukulang kalingang-medikal ang bawat isang mamamayang Plaridelenyo at huwag nang magtungo pa sa ibang lugar upang magpadialysis kung kaya’t sa kanyang inisyatiba ay nagkaroon ng isang Dialysis Center rito na magiging takbuhan ng kanyang mga kababayan.
Katuwang sa programang ito ang Renal One Dialysis Center at Marco Pharma Corporation na nakasentro rin ang atensyon sa kalusugan ng mga Bulakenyo at tumutulong sa iba pang aspetong medical sa lalawigan. Isang kapakinabangan ito para sa mga pasyenteng nagda-dialysis dahil mismong sa kanilang bayan ay meron na silang matatakbuhan sa oras ng kanilang pangangailangan.
Dumating din sa natatatangong okasyon ng pagbubukas ng nasabing pasilidad si Bulacan Second District Congresswoman Ditse Tina Pancho na malaki rin ang naiambag sa nasabing programa.
Batid ni Mayor Vistan na kapag may malusog na pangangatawan at kaisipan,kasunod naman nito ang ibayong kaunlaran ng bawat pamayanan kung kaya’t walang patid ang kanyang pagtataguyod ng mga mahahalaga at makabuluhang programang naghahatid ng dire-diretsong progreso sa bayan ng Plaridel sa kasalukuyan.
ROMMEL MANAHAN