LUNGSOD NG BALIWAG, Bulacan (PIA)- Umangat ang kaban ng bayan ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag at Pamahalaang Bayan ng Obando dahil sa epektibong pagpapatupad ng Electronic Business One-Stop Shop (eBOSS) ayon sa Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Iyan ang pangunahing dahilan kaya’t binigyang pagkilala ng ARTA ang nasabing dalawang pamahalaang lokal sa idinaos na ARTA Bagong Pilipinas Town Hall Meeting-Bulacan Roadshow na ginanap sa Lungsod ng Baliwag.
Ayon kay Secretary Ernesto V. Perez, director general ng ARTA, hindi lamang ito basta isang simpleng pagbibigay ng pagkilala. Nagsisilbi rin aniya itong index at pamantayan ng mga mamumuhunan upang maikonsidera ang isang bayan o lungsod na madesisyunan na mapaglagakan ng negosyo.
Bukod dito, sinabi rin niyang isa itong mahalagang sangkap ng Open Government Partnership (OGP) na pinasok ng Pilipinas upang ilatag ang mga reporma para sa isang bansang may bukas at mapanagutang pamamahala.
Ang e-BOSS ay virtual system kung saan maaaring magsumite ng aplikasyon ang isang magbubukas ng bagong negosyo o ang magre-renew ng mga dati nang umiiral na negosyo, nang hindi na kailangang sumadya pa sa munisipyo o city hall.
Habang sa pisikal na BOSS matatagpuan sa iisang lugar ang pinagsama-samang mga tanggapan na kailangan sa pag-aapruba sa nasabing pagbubukas ng mga bagong establisemento. Ito ay sang-ayon sa umiiral na Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Services Act of 2018.
Base sa tala na iprinisinta ni Baliwag City Mayor Ferdinand V. Estrella, hindi pa naisasabatas ang Republic Act 11032, nagsimula nang umangat ang koleksiyon ng noo’y pamahalaang bayan mula sa business permit dahil sa mga pinasimulang reporma tulad ng same-day release.
Ibig sabihin, aabutin lamang ng 30 minuto mula sa pagkakasumite ng kumpletong rekisito ay makukuha na ang business permit mula sa Tanggapan ng Punong Lungsod. Nagresulta ito na pag-angat ng koleksiyon sa P494.78 milyon noong 2017 mula sa P371.36 milyon noong 2016.
Dagdag pa ni Mayor Estrella, nang umiral ang BOSS at e-BOSS dahil sa Republic Act 10032, lalong lumaki ang koleksiyon sa P611.97 milyon noong 2018 at P513.28 milyon noong 2019. Bagama’t nasa P475.1 milyon lamang ang nakolekta noong 2020 dahil sa pagtama ng pandemya, mas mataas pa rin ito as koleksiyon noong 2016.
Nagsunud-sunod lalo ang paglaki ng koleksiyon noong 2021 na may halagang P841.3 milyon, P1.7 bilyon at pinakamalaki nitong 2023 na umabot sa P4.5 bilyon.
Para naman sa Pamahalaang Bayan ng Obando, iniulat ni Mayor Leonardo Valeda na kaya na nilang makapaglabas ng business permit sa isang aplikante na kumpleto ang rekisito, sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong minute sa pamamagitan ng eBOSS.
Katunayan mula nang umiral ang sistemang ito sa Obando, tumaas ang ipinasok na pondo sa kaban ng pamahalaang bayan na katumbas ng P4 milyon noong taong 2017 sa P14 milyon ngayon pa lamang na Oktubre 2024.
Nasa 1,200 ang mga rehistradong negosyo sa Obando kung saan 90% ang mga mico, small and medium enterprises (MSMEs) at ang natitira pang mga nasa industriya ng pangisdaan. (SFV, PIA Region 3-Bulacan)