Sinampahan na ng double counts of “murder” ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang isang aktibong pulis at tatlo pang suspek na responsable sa pagpaslang kay Board Member Ramilito Capistrano at sa driver nitong si Shedrick Suarez noong gabi ng Oktubre 3, 2024 sa Lungsod ng Malolos.
Ayon sa report ni PCol Satur Ediong, OIC Bulacan police director kay Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director Redrico Maranan, ang kasong “double murder” ay naisampa na sa Malolos City Prosecutors Office Lunes ng umaga kasama ang pamilya ng dalawang biktima.
Kinilala ang mga suspek na sina Police Staff Sergeant Ulyses Pascual, assigned sa Camp Crame at Cesar Mayoralgo Gallardo Jr., pinsan ni Pascual at dalawang nakilala lang sa alias na “Jeff” at “Lupin”.
Ang mga suspek ay tinutugis na ngayon ng kapulisan.
Matapos isampa ang kaso ay nagsadya ang pamilya ng mga biktima sa Bulacan Capitol kung saan sila ay kinausap ni Governor Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alex Castro upang ipabatid ang suporta ng provincial government.
Ayon kay Fernando may inilaan na malaking pabuya para sa ikadarakip ng mga suspek at ito ay buhat sa mga concerned citizen na nais tumulong sa agarang ikalulutas ng kaso.
Panawagan ng gobernador sa mga suspek na makonsensiya at sumuko na ang mga ito dahil seryoso ang provincial government na madakip ang mganito upang makamit ng mga biktima ang hustisya.
Tiniyak naman ni Vice Gov. Castro na hindi titigil ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan hanggat hindi nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang kapatid sa Sangguniang Panlalalwigan.
Base sa report ng kapulisan, apat na uri ng baril ang ginamit ng mga suspek kabilang ang dakawang .9mm pistol, Super .38 caliber at .45 caliber.
Si Capistrano ay presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) at si Suarez ay kapwa lulan ng kulay itim na Mitsubishi Montero na may plakang CBZ-6532 habang binabagtas ang Service Road sa Barangay Ligas, City of Malolos bandang alas-6:30 ng gabi namg tambangan ng mga suspek.
Wala pang malinaw na imbestigasyon ang kapulisan sa tunay na motibo ng pamamaslang pero hindi umano isinasantabi ang anggulong politically motivated.
Labis naman ang pasasalamat ng mga kaanak ng biktima sa suporta nina Fernando at Castro para sa minimithing hustisya.