Tututukan ng Damayang Filipino Partylist ang pagpapalawig ng health program sa pamamagitan ng aktibong medical mission at pagtugon sa mga mahahalagang isyu sa mga pampublikong ospital sa bansa.
Nitong Lunes ay pormal nang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) ang Damayang Filipino Movement Inc. (DFMI) bilang isang partylist para sa darating na 2025 midterm elections.
Pinangunahan nina Athenie R. Bautista bilang 1st nominee, Noel Ramirez- 2nd nominee at Mark Al Sato-3rd nominee ang paghahain ng COC kung saan sila ay sinamahan nina Governor Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alexis Castro.
Nabatid na si Gov. Fernando ang Founder ng Damayang Filipino Movement Inc. at ito ay itinatag noong 2008 noong siya ay Board Member pa lamang ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan.
Ang DFMI ang siyang naging katuwang ni Fernando sa Bulacan upang magampanan ang kaniyang mga adbokasiya partikular na sa paghatid ng tulong sa mga mahihirap na hindi nakakarating sa kapitolyo.
Dalawang beses sa loob ng isang linggo nagsasagawa ng medical mission ang DFMI kung saan ay lumalabas din ito ng lalawigan ng Bulacan para sa mga kapos-palad.
Ayon kay Bautista, mas magiging agresibo sa pagtulong ang Damayang Filipino oras na maging isang Partylist na ngayon pa lamang ay dumadagsa na ang sumusuporta para mapalawig ang serbisyo publiko para sa nangangailangan.
Nabatid na mula noon ay umaabot na sa 5,000 medical mission ang naisagawa ng Damayang Filipino mula sa ibat-ibang lalawigan sa bansa.