PATAY ang presidente ng Association of Barangay Captain (ABC) sa lalawigan ng Bulacan pati ang driver nito matapos tambangan habang sakay ng sports utility vehicle sa Barangay Ligas sa Lungsod ng Malolos, Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si ABC President Ramil Capistrano at ang driver nito na si Shedrick Suarez na kapwa lulan ng kulay itim na Mitsubishi Montero na may plakang CBZ-6532 habang binabagtas ang Service Road sa Barangay Ligas bandang alas-6:30 ng gabi.
Wala pang malinaw na impormasyon hinggil sa pagkakilanlan ng suspek na bigla na lamang sumulpot sa harapan ng sasakyan ng mga biktima at ilang beses pinaputukan ng di pa mabatid na armas.
Nabatid na bago pa man ang pamamaslang ay dumalo pa sa Ika-11 Karaniwang Pagpupulong sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan si Bokal Capistrano.
Agad na dumating sa pinangyarihang insidente sina Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro kung saan tumambad sa mga ito ang mga wala nang buhay na katawan ng mga biktima na lulan pa ng nasabing SUV.
Kinondena ni F ernando ang nasabing pamamaslang at nagpaabot ng kaniyang pakikiramay sa mga pamilya ng biktima gayundin ang buong Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Castro.
Inatasan na rin ni Fernando si PCol Satur Ediong, OIC Bulacan Police director upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at manhunt operation laban sa suspek upang makatiyak na makakamit ng pamilya ng biktima ang hustisya.
Sa ngayon ay blanko pa ang kapulisan sa nasabing shooting incident ngunit patuloy ang kanilang pagkalap ng testigo na makapagbigay ng lead sa naturang krimen.
“Ang buong Sangguniang Panlalawigan ng Lalawigan ng Bulacan ay mariing kinokondena ang karumaldumal na pagpatay sa aming kasangguni, kaibigan, at kasamahan sa paglilingkod na si Bokal Ramil Capistrano, pati na rin sa kanyang driver na si Ginoong Shedrick Suarez. Ang ganitong karahasan ay walang puwang sa ating minamahal na Lalawigan ng Bulacan,” wika ni Castro.
Hustisya para kay LnB Bulacan Pres. Ramilito Capistrano
Mariing kinokondena ng Liga ng mga Barangay ang marahas na pagpaslang kay Pres. Ramil Capistrano at sa kaniyang driver na si Shedrick Toribio sa Malolos City,
“Ang hindi makataong gawaing kagaya nito ay walang lugar sa ating komunidad, kaya naman ang Liga ay nananawagan sa mga lokal na awtoridad para siguruhin na mabilis mapanagot ang may gawa nito at agad na makamit ang hustisya,” pahayag ng Liga ng mga Barangay.