DOÑA REMEDIOS TRINIDAD, Bulacan- Naging matagumpay at makulay ang paggunita ng Ika-47 Anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Doña Remedios Trinidad o DRT kung saan iba’t-ibang mga programa ang inilaan rito na nagpatingkad ng kultura at kasaysayan ng nasabing bayan.
Pinagunahan ng lokal na pamahalaan ng DRT sa pamumuno nina Mayor Ronaldo T. Flores, Vice Mayor Marie Flores at buong Sangguniang Bayan ang pagsasagawa ng mga makabuluhang program ana nagbigay inspirasyon sa mga bisita gayundin sa bawat DRTenyos na taon-taon ay nakikipagdiwang sa natatanging pambayang okasyong tulad nito.
Sa Temang “Pamamahalang Gumagabay Tungo sa Magandang Buhay”, naging panauhing pandangal si DILG Bulacan Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia, CESO V, kung saan sumentro ang mensahe nito sa sama-samang pagkilos at pakikiisa ng bawat mamamayan sa DRT na siyang nagiging daan upang magtuluy-tuloy ang progreso ng bayan sa kasalukuyan.
“Nagagalak po ang aking puso bilang panauhing tagapagsalita ng bayang sumikat sa panahon ng pakikipaglaban natin sa pandemia. Ang dating sinasabing magulo at mapanganib na bayan ay naging ‘tourist attraction’ sa kasalukuyan, may maganda at malapad na kalsada at higit sa lahat very accommodating ang mga opsiyal ng bayan. Isang masayang pagdiriwang po ng Ika-47 Taon Pagkakatag ng bayan ng DRT. Sana’y ipagpatuloy pa po natin ang sama-samang pagkilos tungo sa mas maaliwalas at progresibong hinaharap para sa lahat.” Pahayag ni Dir. Myrvi Apostol-Favia.
Nagkaroon ng mga palatuntunan na umaliw sa mga bisita tulad ng Indakan, trade fair, at ang pagpapakilala sa natatanging produkto ng DRT, ang kape at rambutan na siyang dinarayo ngayon ng mga local at foreign tourist sa Bulacan. Ilan sa mga namamasayal sa bulubunduking bayang ito ay hindi nakakalimutang tumangkilik ng mga produktong ito na siyang bumibida kapag sila ay nakauwi na sa kanilang mga tahanan.
Malugod namang tinanggap ng mga local officials ang mga bisita at panauhing nagtungo sa pagbubukas ng pagdiriwang ng okasyong ito at labis ang pasasalamat nina Mayor Ronaldo Flores, Vice Mayor Marie Flores at buong puwersa ng Sangguniang Bayan sa bawat departamento at kawani ng Pamahalaang Bayan na walang kapagurang nagsaayos ng mga palatuntunan at nahanda ng mga kakaiba at natatanging programa na nagbigay inspirasyon sa mga dumarting na bisita.
“Salamat pong lahat sa inyong pakikiisa sa tuwing maglulunsad tayo ng mga pambihirang okasyong tulad nito. Asahan pa ninyo ang patuloy pa nating pagtataguyod ng mabuting pamamahala para sa lahat. Ang pagiging aktibo ng bayan ng DRT lalo na sa larangan ng kultura at turismo ngayon ay dahil sa inyong walang sawang suporta at pakikiisa sa mabubuti nating layunin para sa bayan. Maligayang Ika-47 Anibersaryo po sa lahat.” Sabi ni Mayor Ronaldo T. Flores. (ROMMEL MANAHAN)