Copa Singkaban 7-A Side Football,ipinagbuklod-buklod ang mga atleta ng Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS – Minarkahan ng Singkaban Festival ang ikatlong taon na ito sa isang pagdiriwang ng pagkakaisa at kasiyahan kung saan ang mga manlalaro ng football na may edad mula 7 taong gulang hanggang 40 taong gulang pataas ay nagkaroon ng pagkakataong ipamalas ang kanilang kahusayan at pagmamahal sa isports sa ginanap na Copa Singkaban 7-A Side Football Festival 2024 na ginanap sa Bulacan Sports Complex, Brgy. Bagong Bayan kamakailan.

Sa 60 na koponan na nakipag kumpetensya sa siyam na kategorya, nagwagi ang Laos Football Club bilang kampeon sa kategoryang U7, Philman Philman Football Club para sa kategoryang U9, Pinoy Wolves Football Club para sa kategoryang U11, Bataan Football Club para sa kategoryang U13 at U15, Tarlac National High School para sa kategoryang U17, 4PM-A Kickers para sa kategoryang 35 pataas, Ilonggo United para sa kategoryang Men’s open category, at San Miguel United Club para sa kategoryang Women’s Open Category.


Lahat ng mga nagwagi kabilang ang una hanggang ikatlong karangalang banggit ay tumanggap ng mga medalya bawat isa at tropeyo bawat koponan samantalang nagkaloob din ng mga espesyal na parangal kabilang na ang Golden Boot award, Best Defender, Best Goalkeeper, at Sportsmanship award.

Ipinahayag naman ni Randy Cameno, miyembro ng 4PM-A Kickers at bahagi ng back-to-back champion team, ang kanyang pasasalamat at kagalakan para sa football festival ngayong taon.

“Salamat po kay Gob. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro sa opportunity na ibinigay ninyo sa amin ngayong Singkaban Festival. Taun-taon naman ito pero mas masaya ngayon kasi maraming mga bata at mga magulang ang nag-eenjoy dahil binigyang pansin ang football dito sa Bulacan at sana po ay magtuluy-tuloy pa,” ani Cameno.

Dagdag pa rito ay nagkaroon ng espesyal na pagbisita ang propesyunal na atleta ng football na si Solomon Okereke mula sa Pampanga Strikers. Kilala sa kanyang hindi mapigilang husay at puwersa sa larangan, nagdala ang kaniyang presensya ng kasiyahan at enerhiya sa mga manlalaro.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Atty. Nikki Manuel Coronel, OIC ng Provincial Youth, Sports, and Development Office, na ang Singkaban Festival ay nagdiriwang ng talento, kaalaman, at pangarap ng mga Bulakenyo habang pinapalakas nito ang diwa ng pagmamalaki at pagkakaisa ng mga atleta ng Bulacan.

Ito po ay isang ipinagmamalaking selebrasyon kung saan pinagdiriwang natin ang talento, yung kalinangan, yung kultura, at lahat ng pangarap ng ating mga kabataang Bulakenyo kaya po sana po sa araw na ito ay maglaro po tayo nang may puso, maglaro po tayo nang may paggalang sa ating mga kalaro at siyempre kailangan mayroong disiplina,” ani Atty. Coronel.