LUNGSOD NG MALOLOS- May kabuuang 106 na bagong miyembro ng National Unity Party (NUP) mula sa Lalawigan ng Bulacan ang nanumpa sa partido sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando bilang Provincial Chairperson at Vice President for Social Development sa isang programa na ginanap sa EDSA Shangri-La sa Lungsod ng Mandaluyong kamakailan.
Sa kanyang talumpati, pinayuhan ni Fernando ang mga bagong miyembro ng partido na maglingkod sa kanilang nasasakupan alinsunod sa mga prinsipyo ng NUP kabilang ang matatag na paniniwala sa Diyos, pagsusulong ng demokrasya at hustisya, at pangangalaga sa Inang kalikasan.
“Narito kayo ngayon dahil tumugon kayo sa atas ng Panginoon— ang maglingkod nang tapat at mapanagutan sa ating lalawigan, at siguruhing mararamdaman ng bawat Bulakenyo ang kaunlarang ating niyayakap. Walang pinipili, walang maiiwan,” anang gobernador.
Samantala, naniniwala si Bise Gob. Alexis C. Castro na ang mga Bulakenyo ang tiyak na makikinabang kung may mabuting relasyon ang mga pinuno ng lalawigan.
“Tayo ay naririto upang tiyakin na ang bawat aksyon at desisyon natin ay para sa kapakanan po ng ating mga kababayan. Ang ating misyon ay palaging para sa ikabubuti ng karamihan, hindi lang para sa ilang indibidwal o kandidato. Kapag ang mga pinuno ay may mabuting ugnayan, ang tunay na nagwawagi sa ating adhikain ay ang ating dakilang lalawigan,” anang bise gobernador.
Dumalo rin sa programa sina House of Representatives Secretary General Reginald S. Velasco; mga Kongresista na sina Danilo Domingo, Tina Pancho, at Lorna Silverio; mga Punong Bayan na sina Glorime Faustino ng Calumpit, Ronaldo Flores ng DRT, Ma. Elena Germar ng Norzagaray, Enrico Roque ng Pandi, Bartolome Ramos ng Santa Maria, Fernando S. Galvez, Jr. ngSan Ildefonso, Eladio S. Gonzales, Jr. ng Balagtas, Henry Lutao ng Marilao, Ferdie Estrella ng Lungsod ng Baliwag, Mary Ann Marcos ng Paombong, Maritz Ochoa-Montejo ng Pulilan, at Francis Albert Juan ng Bustos; at mga Bokal na sina Romeo V. Castro, Jr., Erlene Luz V. Dela Cruz, Enrique A. Delos Santos, Jr., Dingdong Nicolas, Arthur Legaspi, Raul Mariano, Richard Roque, Cezar Mendoza, at Renato De Guzman, Jr.