Gob. Fernando: Diplomasyang nabuo sa Kongreso ng Malolos dapat magamit sa pag-angkin ng teritoryo

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Sumentro ang pagdiriwang ng Ika-126 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Kongreso ng Malolos sa pagbibigay diin na dapat gamitin ang nabuong diplomasya o pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa upang lalong angkinin ng Pilipinas ang mga teritoryo nito. 

Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa pagdiriwang ng Ika-126 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Kongreso ng Malolos sa patio ng Simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos. (NHCP)

Iyan ang tinuran ni Gobernador Daniel Fernando na nagsilbing panauhing pandangal sa ginanap na programang pang-alaala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos.

 

Aniya, sa paghahanda na mabuksan ang Kongreso ng Malolos noong Setyembre 15, 1898, nagsimulang makipagpalitan ang Pilipinas ng mga pangdiplomatikong dokumento o diplomatic notes sa ibayong dagat upang isulong na kilalanin ang bansa bilang isang republika. 

 

Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP, nagsimulang magpadala ng mga diplomatic notes ang Pamahalaang Rebolusyonaryo sa ilalim ni Heneral Emilio Aguinaldo noong Agosto 6, 1898 o mahigit isang buwan bago ang pagbubukas ng mga sesyon ng Kongreso ng Malolos sa simbahang ito. 

 

Ito ang nagbunsod upang suguin ang abogadong si Felipe Agoncillio para magsilbing kinatawang diplomatiko ng Pilipinas sa United States at sa France sa kasagsagan ng noo’y nirerepasong Kasunduan sa Paris. Nakasalalay dito ang kapalaran ng bansa para sa Kalayaan o muling maipapasailalim sa isang kolonya. 

 

Kaya naman ipinahayag ni Gobernador Fernando na sa kasalukuyang mga hamon sa West Philippine Sea, makatwiran aniyang lalong pag-alabin ang diwa ng Kongreso ng Malolos sa lalong pag-angkin sa teritoryong bahagi ng heograpiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng diplomasya. 

 

Ayon sa Artikulo 73 ng Saligang Batas ng 1899 na binalangkas at pinagtibay ng Kongreso ng Malolos noong Enero 21, 1899, kabilang ang ugnayang panlabas na tinalagahan ng kalihim na kasama sa gabinete upang itaguyod ang pakikipagdiplomasya ng Pilipinas. 

 

Bahagi rin ng probisyon nito ang pagtatatag sa Departamento de Exterior na ngayo’y Department of Foreign Affairs, kung saan unang naging kalihim ang bayaning si Apolinario Mabini na sa Malolos din naitatag ang tanggapan.

Dagdag pa ng gobernador, ang patuloy na diplomasya ay magtitiyak na mapapanatiling malaya ang Pilipinas at magiging malakas ang pag-angkin sa mga teritoryo gaya ng West Philippine Sea.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Malolos City Mayor Christian Natividad na ang prinsiyo na niyakap ng Republika ng Pilipinas ay isang pamahalaang demokratiko na may sangkap ng paniniwala na magbibigay ang diplomasya ng pagkakasundu-sundo sa mga bansa.

Naging republika ang Pilipinas nang ratipikahan ng Kongreso ng Malolos ang Kalayaan na prinoklama noong Hunyo 12, 1898. Mula Setyembre 15, 1898 hanggang Enero 21, 1899, binalangkas at pinagtibay nito ang Saligang Batas ng 1899 na nagbibigay ng iba’t ibang karapatan sa mga mamamayan at itinatatag ang isang Republika na taglay ang teritoryo at soberenya.