PINEDA NAGPASALAMAT SA SMC SA PAMPANGA RIVER CLEAN-UP

Nagpaabot ng pasasalamat si Gov. Dennis “Delta” Pineda kay San Miguel Corporation (SMC) Chairman and Chief Executive Officer Ramon S. Ang para sa River Clean-up Project nito sa probinsiya.
 
Ayon sa gobernador, malaking tulong ang suportang ibinibigay ng korporasyon sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaang panlalawigan para masolusyunan ang lumalalang problema sa pagbaha, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
 
Sa kasalukuyan, nasa 43,509 kubikong metro na dumi na ang natanggal ng SMC sa Pampanga River magmula nang umpisahan nila ang paglilinis noong ika-23 ng Agosto gamit ang limang heavy-duty excavators at tatlong hopper barge.
 
Ang naturang proyekto ay bahagi ng Better River Philippines Program ng SMC, na naglalayong alisin ang mga bara sa mga ilog upang maiwasan ang matinding pagbaha.
 
Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong sina Special Assistant to the Governor at PDRRMO Chief Angelina Blanco, Provincial Assessor Manuel Mendoza, Jr., mga kinatawan mula sa SMC at Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3.
 
SOURCE: Pampanga PIO