Binabantayan ngayon at patuloy na mino-monitor ng Provincial Government ng Bulacan katuwang ang Departent of Agriculture (DA) ang sitwasyon sa African Swine Fever (ASF) sa probinsiya.
Ayon kay Governor Daniel Fernando, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa DA upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng ASF kaya agad itong nagpalabas ng mahalagang pabatid para sa mga Bulakenyo.
“Nais kong ipabatid sa inyo na patuloy nating binabantayan ang kalagayan ng African Swine Fever (ASF) sa ating lalawigan. Sa kabila ng mga hamon, nakikipag-ugnayan ang ating Pamahalaang Panialawigan sa Department of Agriculture upang mapigilan ang pagkalat nito at tiyakin na ang lahat ng karne sa ating mga pamilihang bayan ay ligtas ikonsumo at dekalidad,” wika ni Fernando.
Nananawagan si Fernando sa mga hog raiser at mamamayan na patuloy na sumunod sa mga ipinatutupad na protocols at guidelines upang masigurong protektado ang industriya ng babuyan at kalusugan ng publiko at agad ipagbigay alam sa kinauukulan kung ang mga alaga ay kinakitaan ng sintomas ng ASF.
Kamakailan ay napabalitang ibinabagsak sa lalawigan ng Bulacan ang mga karne ng baboy na may ASF sa mga palengke sa probinsiya na mahigpit na pinabulaanan ng Bulacan Provincial Veterinary Office PVO).
Sinabi ni Voltaire Basinag, head ng PVO) , na walang concrete evidence na nakapasok na sa lalawigan ang mga karne ng baboy na may ASF mula sa probinsiya ng Batangas.
“Tayo naman po sa bulacan ay laging may meat inspector sa ating mga slaughterhouses at market inspectors sa mga pamilihang bayan para masigurado na ang mga tinitinda sa mga palengke ay ligtas kainin,” wika ni Basinag.
Posible umanong stratehiya ang umanoy fake news upang mag create ng panic para bumaba ang presyo ng baboy at makuha ito ng mas murang halaga para lumaki ang kikitain.