LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Sisimulan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang limang-taong paghahanda para sa pagdiriwang ng Ika-450 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan bilang isang Lalawigan sa Agosto 15, 2028.
Hudyat nito ang pormal na paglulunsad sa opisyal na logo ng tinaguriang ‘Bulacan 450’ na pinangunahan ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Executive Director Carminda R. Arevalo at Gobernador Daniel R. Fernando sa harapan ng gusali ng Kapitolyo ng Bulacan sa Malolos ngayong pagdiriwang ng Ika-446 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan.
Sa susunod na limang taon bilang bahagi ng mga paghahanda, magkakaroon ng malawakang pagtatanim ng nasa 10 libong puno ng Bulak. Isa ito sa pinanggalingan ng pangalan ng Bulacan.
Muling tiniyak ni Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) Head Eliseo Dela Cruz na sa pamamagitan ng proyekto ito ay maibabalik at mapaparami uli ang puno ng Bulak sa maraming bahagi ng lalawigan.
Target ng Kapitolyo na maibalik ang panahon na makilala ang Bulacan na pangunahing pagkukuhanan ng hilaw na materyales mula sa Bulak at makalikha ng industriya sa pagtetela.
Matutuloy na rin ang plano na muling mapuno ng mga Kawayan ang mga sapa at ilog sa mga kanayunan sa Bulacan. Itinuturing ni Gobernador Fernando na isang malaking hakbang ito upang mapatatag ang mga tabing-ilog at hindi matibag na nagdudulot ng pagbabaw ng mga anyong tubig kaya nagkakaroon ng pagbabaha.
Malaki ang ginagampanan ng Kawayan sa opisyal na sagisag ng lalawigan. Makikita ito sa anyo ng isang kwadro kung saan nakapaloob ang bulubundukin ng Sierra Madre kung saan matatagpuan ang Biak-na-Bato sa bayan ng San Miguel.
Dito nabuo ang Kasunduan sa Bian-na-Bato na nagging daan upang maitatag ang Bureau of Treasury at ang Department of Finance noong 1897.
Ang bughaw na kulay ay sumasalamin naman sa mayamang katubigan ng lalawigan.
Pinakasentro nitong sagisag na nakapaloob sa kwadrong Kawayan ang simbahan ng Barasoain na nasa Malolos. Sa loob ng simbahang ito naitatag ang Pilipinas bilang isang Republika na kauna-unahan sa Asya sa bisa ng una ring Saligang Batas ng bansa noong 1899.
Mauugat na noong taong 2006 nang unang ipagdiwang ng mga Bulakenyo ang Araw ng Bulacan sa petsang Agosto 15. Bunsod ito ng rebisyon sa Provincial Administrative Code na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan. Nilalaman nito ang pagtutuwid sa kasaysayan ng pagkakatatag ng Bulacan.
Pinagbatayan ng sangguniang panlalawigan ang resulta ng pananaliksik ni noo’y Center for Bulacan Studies o Bahay Saliksikan ng Bulacan Director Dr. Reynaldo Naguit mula taong 2005 hanggang 2006.
Ayon sa kanyang pananaliksik, naitatatag ang isang lalawigan sa petsa kung kalian din itinatag ang kabisera tulad ng Cebu City, Cebu; Capiz, Capiz na ngayo’y Roxas City; Tarlac City, Tarlac; Sorsogon City, Sorsogon, Davao City, Davao at iba pang gaya nito
Ang bayan ng Bulakan ang kabisera noon ng lalawigan naitatag noong Agosto 15, 1572. Base rin sa tradisyon ng mga Kastila, pinipili nila ang petsa sa pagtatatag ng kabisera kung kailan ang kapistahan ng patrona ng bayan na Nuestra Senyora de la Asuncion.
Makalipas ang anim na taon o noong Agosto 15, 1578 mula nang maitatag ang Bulakan bilang kabisera, itinatag naman ang Bulacan bilang lalawigan.
Bago ang isinagawang pananaliksik, ang petsang Marso 10, 1907 ang nakagisnang ‘Araw ng Bulacan’ mula 2005 at paurong na mga taon. Lumalabas na ito ay petsa lamang ng pagkakarehistro ng lalawigan sa noo’y Pamahalaang Sibil ng Amerika sa Pilipinas sa ilalim ng Philippine Organic Act of 1902.