Bulacan, Matatag na Haligi ng Demokrasya ng Pilipinas- First Lady Marcos

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Binigyang-pugay ni First Lady Louise Araneta-Marcos ang lalawigan ng Bulacan bilang isang matatag na haligi ng demokrasya ng Pilipinas.

 

Iyan ang sentro ng mensahe ng unang ginang na natunghayan ng mga Bulakenyo sa pagdiriwang ng Ika-446 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan bilang isang lalawigan. Kinikilala rin niya ang malaking papel ng lalawigan para makapag-ambag sa bisyon na matamo ang isang Bagong Pilipinas.

 

Matatandaan na kabilang ang Bulacan sa walong lalawigan na unang nag-aklas laban sa mga Kastila na sinisimbulo ng isa sa walong sinag ng araw na nasa watawat ng Pilipinas. Higit sa lahat, sa Bulacan partikular na sa simbahan ng Barasoain sa Malolos, napasinayaan ang Pilipinas bilang Unang Republika sa Asya sa bisa ng ibinalangkas na kauna-unahang Saligang Batas ng 1899.

 

Base sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang pagiging Republika ay isang uri ng pamahalaan na nagtataguyod ng demokrasya kung saan ang mga mamamayan ang nagbibigay ng kapangyarihan sa pamahalaan upang makapangasiwa o makapamahala.

 

Naisasagawa ito sa pamamagitan ng pagdadaos ng regular na mga halalan o eleksiyon kung saan iginagalang at kinikilala ang pasya ng nakakarami na isang diwa ng demokrasya.

 

Ang lahat ng ito ay nagkaroon ng simulain at naganap sa lalawigan ng Bulacan. Kaya naman ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, ang mayamang kasaysayang ng lalawigan ay nagsilbing pundasyon upang maging matatag ang mga Bulakenyo, sa mga pinagdaanang hamon at unos tulad ng mga kalamidad at ang nakalipas na pandemya.

 

Ito rin aniya ang nagpalakas sa karakter ng pagka-Bulakenyo ng mga mamamayan na dapat mapangalagaan para sa susunod na henerasyon.

 

Para sa gobernador, patunay na nananalaytay ang katangiang ito sa pagkakatamo ng mga malalaking parangal at pagkilala tulad ng Seal of Good Local Governance (SGLG) sa nakalipas na pitong sunud-sunod na mga taon simula taong 2017. Sinasalamin nito na ang mapanagutang pamamahala sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na pinapatakbo ng mga epektibong kawani at opisyal.

 

Pinakabago rito ang Presidential Recognition on Outstanding Development Partner for Northern Luzon in the Improving Business Climate Category na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) dahil sa epektibong pagpapatupad sa Invest Bulacan campaign program.

 

Nagresulta ito sa pagdagsa ng malalaking pamumuhunan at nagbukas ng bagong mga oportunidad sa trabaho.