Naghain si Senador Joel Villanueva ng isang panukalang naglalayong ipawalang-bisa ang batas na nagbubuwis sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs).
“Bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos, kailangan na rin po nating siguraduhin na wala nang matitirang bakas ng POGO sa Pilipinas,” sabi ni Villanueva.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Hulyo 22, 2024, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agarang pagbabawal sa lahat ng POGO dahil sa perwisyong dala ng mga ito sa bansa at kawalang-galang sa mga batas ng Pilipinas.
Sa Senate Bill No. 2752 na inihain ni Villanueva, permanente nang kakanselahin ang lahat ng lisensya ng POGO na inisyu ng Philippine Amusement and Gaming Corporation at mga ecozone.
Bibigyan ang lahat ng POGO ng 30 araw mula sa pagiging epektibo ng batas upang itigil ang kanilang operasyon.
Ang mga kumpanyang bigo o tatanggi sa pagpapasara ng kanilang operasyon ay mahaharap sa pagkakakulong na 12 hanggang 20 taon at multang aabot sa P100 milyon. Isasailalim din ang foreign offender sa deportasyon matapos mapagsilbihan ang kanyang sentensiya.
Sa ilalim ng panukala, ang Bureau of Internal Revenue ang may kapangyarihan na mangolekta ng hindi nabayarang buwis ng POGO matapos ipawalang-bisa ang batas na nagbubuwis dito.
Maliban diyan, nakasaad din sa panukala na magkakaroon ng Worker’s Transition Program na ipapatupad ng Department of Labor and Employment para sa mga maaapektuhang Pilipinong manggagawa sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority at iba pang may kaugnayan na ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Villanueva, kasunod ng POGO ban, dapat nang mapawalang-bisa ang Republic Act No. 11590 na nilagdaan noong 2021.
Inamiyendahan ng POGO Tax Law ang National Internal Revenue Code upang mapahusay ang koleksiyon ng buwis mula sa mga POGO at magpataw ng karagdagang buwis bukod sa franchise tax sa kanilang operasyon.
“The evidence of crimes and social ills from POGO operations immensely overwhelm the benefits the Filipinos get from the taxes they pay,” saad pa ni Villanueva.
“Mas lamang po ang perwisyo kaysa pakinabang mula sa POGO na humihila sa atin sa kumunoy ng kasamaan. Huwag nating panghinayangan ang pagpapalayas sa kanila,” dagdag pa niya.