Puspusan ang isinasagawang rescue operations ng bawat lokal government unit mula sa lungsod at munisipalidad sa mga residenteng nabaha mula sa 71 barangay sa lalawigan ng Bulacan na lumubog buhat sa 1 hanggang 5 talampakan dulot ng Bagyong Carina na mas lalong lumakas sanhi ng Southwest Monsson o Habagat na sinamahan pa ng high tide mula sa Manila Bay.
Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, kabilang sa mga apektado ng baha ay ang mga lugar ng bayan ng Hagonoy na may siyam na barangay na lumubog sa lalim na 1-2 talampakan ng tubig-baha na kinabibilangan ng Palapat, San Agustin, San Isidro, San Juan , San Miguel, San Pedro, Sta. Monica, Sto. Niño, at 12 barangay naman sa Calumpit ang lumubog sa lalim na 1-5 talampakan ng tubig kabilang ang mga barangay ng Balungao, Bulusan, Calizon, Frances, Gatbuca, Gugo, Iba Este, Iba O’ Este, Meyto, Meysulao, Panducot, San Miguel, Sapang Bayan, Sergio Bayan, Sta Lucia, Sto Niño, Buguion, Caniogan at Palimbang.
Ang Barangay Bambang, Bagumbayan, Sulucan, Poblacion sa bayan ng Bocaue ay lubog din sa lalim ng tubig-baha na 1 hanggang 3 talampakan; parehong antas ng tubig-baha sa Barangay Panginay, Wawa, Borol 1st, Longos at San Juan sa bayan ng Balagtas habang 2-4 talampakan ng tubig-baha sa Barangay Lias, Saog, Ibayo, Poblacion 1 & 2, Abangan Sur, Abangan Norte, St. Martin at Tabing Ilog sa Marilao.
Ang mga barangay na apektado ng 1-2ft ng baha ay ang Taliptip, Perez, Matungao, Tibig, Sta. Ana, San Nicolas, Bambang, San Francisco, Maysantol, Balubad at Sta. Ines sa bayan ng Bulakan.
Nakatutok naman si Governor Daniel Fernando Command Center ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) para bantayan ang Ipo, Angat at Bustos Dams at ang mga lugar na binaha.
Nagbaba na rin ng derektiba si Fernando para sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) para sa paghahanda ng mga ayuda sa mga Bulakenyong nasalanta ng baha.
Samantala, kasama rin mismo si Vice Gov. Alex Castro sa mga nagbantay at nagsagawa ng rescue operation sa kaniyang bayan sa Marilao kung saan ang ibang mga kabahayan ay umabot hanggang ikalawang palapag ang taas ng tubig-baha.
Sinuong at lumusong sa baha si Castro sa mga lugar kung saan stranded ang mga pami-pamilya na may kasama pang mga sanggol at bata na nasa ibabaw ng bubong ng kanilang bahay sa Barangay Tabing-Ilog.
Nabatid na may mga national at provincial roads ang hindi na madaanan sanhi ng mataas na tubig-baha kabilang na rito ang Tabing-Ilog at Barangay Ibayo sa Manila North Road, Panginay Road sa Guiguinto.