LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Humigit P1.9 milyon ang naitalang benta ng mga micro, small and medium enterprise (MSME) sa paglahok sa mga trade fair sa Nueva Ecija.
Ito ay batay sa iniulat ng Department of Trade and Industry (DTI) mula Abril hanggang Hunyo ngayong taon.
Ayon kay DTI Nueva Ecija Business Development Division Chief Alfee Rei Galapon, malaki ang benepisyo ng paglahok ng mga MSME sa mga isinasagawang trade fair sa loob o labas ng lalawigan para mailapit sa merkado ang kanilang mga produkto.
Sa pamamagitan aniya ng mga ito ay nabibigyan sila ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang negosyo.
Noong buwan ng Abril ay nakapagtala ng P277,254 sales ang mga MSME sa Nueva Ecija mula sa pagsali sa mga trade fair.
Kabilang na riyan ang Pagibang Damara Trade Fair sa lungsod ng San Jose na sinalihan ng nasa 33 MSME at Kadiwa ng Pangulo sa bayan ng Lupao na linakuhan ng 23 MSME at limang samahan ng mga magsasaka.
Umabot naman sa P606,693 ang naging benta sa mga trade fair noong buwan ng Mayo kung saan idinaos ang Banuar A Mannalon Livelihood and Trade Fair sa bayan ng Llanera na dinaluhan ng 29 MSME.
Ito ay sinundan ng Anihan Festival Agri-Trade Fair sa bayan ng San Isidro at ang Kabyawan Trade Fair at Kadiwa ng Pangulo sa bayan ng Cabiao.
Samantala, humigit P1.028 milyon ang naging benta sa mga trade fair noong buwan ng Hunyo kung saan itinampok ang mga produkto ng mga cooperator ng mga Shared Service Facility at mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program sa Likhang Novo Ecijano Trade Fair.
Ayon pa kay Galapon, malaking tulong sa pagdaraos ng mga programa ang pakikipagtulungan ng mga establisimyento, partikular ang pagkakaloob ng libreng lugar para maialok ang mga produktong gawa sa Nueva Ecija.
Kaniyang nilinaw na nakadepende sa uri ng trade fair kung libre ang pagsali ng mga MSME, tulad sa regional at national trade fair ay naglalaan ang mga MSME para sa transportasyon ng kanilang mga produkto.
Gayunpaman ay tumutulong at gumagawa ng paraan ang DTI upang mabawasan ang gastusin ng mga MSME sa paglahok sa mga trade fair.
Kaugnay nito ay hinihikayat ng ahensiya ang mga MSME sa lalawigan na patuloy lumahok sa mga isinasagawang programa ng pamahalaan upang mapaunlad at tuloy-tuloy na makilala ang kanilang negosyo at produkto.
SOURCE: Camille C. Nagaño PIA3