LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Ibinalita ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa kanyang pagbisita sa lungsod ng Malolo, Bulacan, na naglaan ang ahensiya ng halagang P23.2 milyon para sa Green-Green-Green Program ng Kapitolyo ng Bulacan at sa bayan ng Marilao.
Layunin nito na makapagpatayo ng karagdagang mga open spaces sa mga bayan, lungsod at lalawigan na maghihikayat ng malawakang pagtatanim ng mga halaman at mga puno na magbibigay ng maaliwalas na kapaligiran at sariwang hangin.
Mahihikayat din aniya ng Green-Green-Green Program na muling maibalik sa kaugalian ng mga mamamayan ang pamamasyal at pagpunta sa mga parke sa halip na palaging nasa mga malls.
Sa loob ng nasabing halaga, P10.4 milyon ang inilaan ng DBM para sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at P12.8 milyon para sa Pamahalaang Bayan ng Marilao. May inilaan din na pondo ang DBM para sa nasabi ring programa sa dalawa pang mga lalawigan sa gitnang Luzon gaya ng Bataan na may P10.1 milyon at Pampanga na P10.3 milyon.
Bahagi ang nasabing mga pondo ng P1.05 bilyon na inilaan ng DBM para sa Green-Green-Program sa iba’t ibang panig ng bansa mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ng Pambansang Badyet ng 2024.
Binigyang diin din ni Secretary Pangandaman na eksklusibo lamang na dapat gastusin ito sa pagpapagawa ng mga green open spaces tulad ng public/municipal parks, plazas, recreational parks, arboretum at botanical gardens. Uubra rin itong gastusin sa pagpapagawa ng mga bicycle lanes, bike racks, elevated o at-grade pedestrian footpaths, walkways, sports facilities at mga recreational trails.
Layunin ng Green-Green-Green Program na madagdagan ang mga open spaces sa iba’t ibang panig ng bansa, upang mahikayat ang mga mamamayan na magbalik-parke para makalanghap ng sariwang hangin at makaiwas sa mga gastusin sa mga malls. Ito ay naaayon sa Climate Change mitigation initiatives ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kaugnay nito, nauna nang sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang mga ganitong uri ng programa ay makakatulong upang maibsan ang polusyon sa hangin at makakapagbigay ng pagkakataon na makapaglakad o makapagbisikleta ang mga tao na mainam sa kalusugan.